Ang Goat and Cattle Dairy Farm ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. sa Brgy. Mangayao at Managos Farmers Agriculture Cooperative (MFAC) sa Brgy. Managos ay pumasa sa isang on-site validation ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute-Regional Training Center 1 (DA-ATI-RTC 1) bilang mga Learning Sites for Agriculture 1 (LSA 1) sa Bayambang, Pangasinan.
Upang maging certified at accredited na LSA 1, kailangan nilang maipasa ang lahat ng documentary at facility requirements.
Ipinamalas ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. ang kahusayan nito sa Goat and Cattle Dairy Farm at ang mga advanced na teknolohiya sa pagpaparami ng mga alagang kambing at baka.
Gumagamit ang foundation ng sexed semen artificial insemination (AI) upang makakamit ng kahanga-hangang 90% female calf production rate para sa sustainable cattle farming.
Samantala, ipinakita ng MFAC ang kanilang mga teknolohiya sa produksyon ng pananim na nakatuon sa mani, mais, palay, at gulay.
Sa kagustuhang mapalawak pa ang kanilang negosyo, umaasa ang kooperatiba na mapataas ang produksyon ng pili nut sa komunidad, matapos itong makitaan ng potensyal bilang isang sustainable at kumikitang venture.
Sa pamamagitan ng programang LSA 1, ang parehong organisasyon ay naglalayon na magsilbi bilang farm learning hub, na nagbabahagi ng kanilang pinakamahuhusay na kagawian at inobasyon sa mga kapwa magsasaka at mahilig sa agrikultura. (SCL/RSO; SCL)