Sumailalim si Gng. Christien Garcia ng Brgy. Zone VI sa monitoring at evaluation nitong Agosto 6, 2025, bilang bahagi ng kanyang nominasyon para sa Most Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) in the Province 2024.
Ang onsite evaluation ay isinagawa ng Provincial Nutrition Evaluation Team, sa tulong ng Nutrition Office, gamit ang monitoring and evaluation tool ng National Nutrition Council na MELLPI Pro o Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Protocol.
Kamakailan lamang, si Gng. Garcia ay itinanghal bilang Most Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) ng Bayambang sa katatapos na culminating activity ng Nutrition Month 2025 noong huling linggo ng Hulyo.
Tinutukan ng mga evaluator ang kanyang mga accomplishment reports, program implementation strategies, at community-based best practices alinsunod sa pamantayan ng NNC.
Sa pagpapatupad ng mga ito, aktibo rin siyang tinutulungan at sinusuportahan ni Zone VI Punong Barangay Raul Sabangan, bilang bahagi ng mas pinatibay na ugnayan sa pagitan ng BNS at lokal na pamahalaang barangay.
Si Garcia ay masusi ring ginabayan ni Shirley Tinte, District Nutrition Program Coordinator ng MNAO.
Matatandaang ilang BNS mula sa Bayambang ang nauna nang napabilang sa mga pinakamahusay sa lalawigan. Kabilang rito sina Marcelina Macaraeg ng Brgy. Bacnono (2019, Champion), Annaliza Natividad ng Brgy. Sancagulis (2021 at 2023, Champion), at Elsie Baiguen ng Brgy. Magsaysay (2022, Contender).
Buo ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga BNS nito bilang katuwang sa pagsusulong ng mas malusog at mas masustansyang pamumuhay sa komunidad. (RGDS/RSO; AG)










