Muling pinarangalan ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang matapos nitong makamit ang Unang Gantimpala sa Search for the 2024 Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) na isinagawa ng Provincial Nutrition Evaluation Team ng Lalawigan ng Pangasinan.
Ang naturang parangal ay pormal na iginawad sa 15th Provincial Health Summit: “Dungawan ng Kahusayan sa Kalusugan (Beacon of Excellence in Health)” na ginanap noong Enero 16, 2026 sa Grand Lourds Hotel, Calasiao. Kinilala ang natatanging kontribusyon ng Ms. Christien P. Garcia, Barangay Nutrition Scholar ng Brgy. Zone VI, Bayambang, na tumanggap ng Plaque of Recognition at Cash Award bilang pagkilala sa kanyang masigasig na paglilingkod sa larangan ng nutrisyon sa komunidad.
Isinagawa ang ebalwasyon gamit ang Updated MELLPI Pro Tool for Barangay Nutrition Scholar, kung saan namukod-tangi ang Bayambang sa pagpapatupad ng mga programang pang-nutrisyon at serbisyong pangkalusugan sa antas-barangay. Pinuri rin ng Provincial Health Office ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Bayan, sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama ang Municipal Nutrition Committee, partikular na sina Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno, at Zone VI Punong Barangay Raul R. Sabangan.
Ang tagumpay na ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, mga health worker, at ng mga Barangay Nutrition Scholars sa pagsusulong ng masustansya, malusog, at maunlad na pamayanan sa Bayan ng Bayambang. (RSO; MNAO)





