Bilang bahagi ng patuloy na layunin na mapabuti ang kalinisan at pampublikong kalusugan sa bayan, nagsagawa ng koordinasyon at pagpupulong ang LGU sa pangunguna ng Municipal Health Office kasama ang mga barangay officials, at ang Technical Working Group (TWG) para sa pagpapatupad ng Zero Open Defecation (ZOD) Program.
Pinangunahan ni Dr. Paz F. Vallo, Municipal Health Officer, ang programa kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat barangay upang matiyak ang mas ligtas at malinis na kapaligiran.
Nagbigay naman ng mensahe si Municipal Vice Mayor, Dr. Ian Camille Sabangan, na nagpahayag ng buong suporta ng lokal na pamahalaan sa adhikain ng ZOD at sa pagtutulungan ng barangay leaders para makamit ito.
Naghatid din ng mensahe si BM Raul Sabangan, ABC President, na nagbigay-diin sa responsibilidad ng mga lider barangay sa pangangalaga ng kalusugan ng kanilang nasasakupan.
Iprinisinta naman ni Nerisa B. Zafra, Rural Sanitation Inspector IV, ang pre-evaluation ng ZOD monitoring na naglalaman ng mga obserbasyon, natuklasan, at best practices mula sa iba’t ibang barangay.
Sinundan ito ng detalyadong talakayan sa criteria ng ZOD na ipinaliwanag ni ROD Ian Mendoza, Provincial Sanitation Inspector.
Nagkaroon din ng open forum kung saan nakapagtanong at nakapagbigay ng suhestiyon ang mga dumalo.
Binigyang-diin naman ni MENRO Ma-Lene S. Torio ang kahalagahan ng kooperasyon ng bawat sektor sa pagpapatupad ng mga programang pangkalinisan.
Sa pagtitipong ito, mas lalo pang napagtibay ang kooperasyon ng bawat barangay at ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kalinisan at kalusugan — isang hakbang tungo sa pagkamit ng ganap na “Zero Open Defecation” status ng buong bayan ng Bayambang. (KB/RSO; AG)









