Pitumpung kabataan na pawang anak ng lokal na magsasaka sa Bayambang ang sumailalim sa Basic Hydroponics Training sa Balon Bayambang Events Center, noong Agosto 11, 2023.
Tinalakay ng eksperto mula sa D&E Aquaponics na si Rainier T. Estrada ang hydroponic farming bilang isa sa mga alternatibong solusyon na maaaring makatulong na mas mapanatili ang suplay ng pagkain at magkaroon ng bagong pagkakakitaan para sa mga magsasaka at negosyante sa bayan ng Bayambang.
Kabilang sa kanyang naging paksa ang mga sumusunod: Brief History of Hydroponics, Fundamentals of Hydroponics, Types of Hydrophonics, Kraft System, Demo Set-Up Small Scale Hydroponics, at Hydroponics as a Livelihood/Business.
Pambungad na mensahe ni SK Federation President Gabriel Tristan Fernandez, ang hydroponics farming ay nakakatulong na maisakatuparan ang food security, modernized farming, at healthy living.
Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nilinaw ni BPRAT Chairperson, Dr. Rafael L. Saygo, na ang training na ito ay isang paghahanda para sa seguridad ng ating mga pagkain at pagpapayabong sa modernong pamamaraan ng pagsasaka dahil lahat ito ay “para matulungan kayong mga kabataan na pag-ibayuhin ang pagsasaka sa ating bayan upang mai-apply ninyo sa hinaharap sapagkat kayong mga kabataan ang pag-asa tungo sa maunlad na pamayanan.”
Ang training ay inorganisa ng Local Youth Development Office sa pamumuno ni LYDO Johnson Abalos, at sa tulong ng Municipal Agriculture Office at Bayambang Poverty Reduction Action Team bilang parte ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan at International Youth Day 2023 na may temang, “Green Skills for Youth: Towards a Sustainable World.”