Ang buong pangkat ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 7 ay pumunta sa Malioer Elementary School noong ika-7 ng Hulyo upang ihatid sa mga residente ng Barangay Caturay, Brgy. Hermoza, at Brgy. Malioer ang mga libreng serbisyo mula sa LGU-Bayambang.
Sa muling pagbisita ng KSB Year 7 Team sa naturang lugar, tagumpay na naibigay ang tatak “Total Quality Service” sa mga residente ng tatlong barangay, at agad din naman itong tinumbasan ng mainit na pagsalubong sa buong team sa pangunguna ng mga Punong Barangay ng Caturay na si PB Analiza Solomon, Hermoza PB Frankie Catalan, at Malioer PB Oscar Padua, at ni Malioer Elementary School OIC Michael Barboza.
Sa maikling programa, dumalo sina Vice Mayor Ian Camille Sabangan, DPA at Councilor Martin Terrado II at kapwa sila nagbigay ng pasasalamat sa pagsuporta sa naturang programa. Si VM IC Sabangan ay nagbigay ng magandang balita ukol sa mas maraming oportunidad at mas mabuting serbisyo sa kalusugan, at nanghikayat na tunghayan ang nalalapit ng State of the Municipality Address ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa July 11.
Sa AVP message ni Mayor Niña Jose Quiambao para sa mga residente, ibinalita niya na malapit nang magbukas ang JKQ Hospital and Wellness Center na siyang magbibigay ng international quality of health services at ang BYB Metro na siya namang magbibigay ng mas maraming trabaho at oportunidad sa lahat ng Bayambangueño. Aniya, “Ang bawat mamamayan ng Bayambang ay may maliwanag na kinabukasan dahil sa pagsususumikap ng lahat at pagiging tapat sa ating mga tungkulin.” (Ray Hope O. Bancolita/RSO; JMB)