Usufruct Agreement sa Bayambang Central School, Nilagdaan ng LGU at DepEd

Pormal na nilagdaan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao at ng Department of Education (DepEd) ang isang Deed of Usufruct para sa lupang kinatitirikan ng bagong campus ng Bayambang Central School, ngayong araw, Hunyo 15, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, bilang patunay ng kanilang pagtutulungan mga naturang dalawang partido upang matiyak ang patuloy na operasyon at pagpapaunlad ng pampublikong edukasyon sa bayan.

Sa ilalim ng kasunduan, mananatiling pagmamay-ari ng LGU-Bayambang ang lupain at mga umiiral na pasilidad dito, kabilang ang mga gusali at silid-aralan, habang ipinagkakaloob naman sa DepEd, sa pamamagitan ng Bayambang Central School, ang karapatang gamitin, pamahalaan, at pangalagaan ang nasabing ari-arian para lamang sa mga layuning pang-edukasyon.

Nanguna sa signing of agreement sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Raijini S. Vidad, Municipal Accountant Flexner de Vera, DepEd Region I Director, Dr. Estela P. Leon-Cariño, at DepEd Schools Division Superintendent, Dr. Fatima R. Boado, CESO V.

Ang usufruct ay sasaklaw sa loob ng dalawampu’t limang (25) taon at maaaring i-renew sa pamamagitan ng nakasulat na kasunduan ng dalawang panig, alinsunod sa umiiral na batas at mga alituntunin ng pamahalaan.

Sakop ng kasunduan ang bahagi ng lupang matatagpuan sa Brgy. Bical Norte, Bayambang, na may kabuuang lawak na humigit-kumulang 20,581 metro kuwadrado, kung saan kasalukuyang nakatayo at nagpapatuloy ang operasyon ng Bayambang Central School.

Pinagtitibay ng nasabing kasunduan ang pangako ng LGU-Bayambang at DepEd na mapanatili ang pampublikong katangian ng paaralan at masiguro ang tuluy-tuloy na paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral ng Bayambang, kasabay ng malinaw na pagtukoy sa mga karapatan at pananagutan ng bawat panig sa paggamit at pangangalaga ng nasabing ari-arian. (JLT/RSO; RobC, JLT)