Usapin sa Pansamantalang Taripa ng Tricycle, Tinalakay sa Pampublikong Pagdinig

Bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, kaugnay ng umiiral na sigalot sa Gitnang Silangan, nagpatawag ng pampublikong pagdinig ang Sangguniang Bayan ukol sa panukalang pansamantalang pagtaas ng taripa sa traysikel nitong March 26, 2026 sa Balon Bayambang Tricycle Terminal.

Tinalakay sa pagdinig ang hiling ng United TODA Federation of Bayambang Inc. (UTODAFBI) na aprubahan ang temporary fare increase para sa mga tricycle na bumibiyahe sa loob ng munisipalidad. Sa panukala, iminungkahi ang pagtaas ng minimum fare mula ₱20.00 tungong ₱25.00 para sa mga malalapit na barangay (sakop ang unang tatlong kilometro), at ₱30.00 naman para sa mga malalayong barangay, na may karagdagang ₱2.00 sa bawat susunod na kilometro.

Mananatili rin ang 20% discount para sa mga estudyante, PWD, at senior citizens. Sa kabuuan, ang panukala ay katumbas ng ₱5.00 na dagdag sa minimum fare para sa malalapit na biyahe at ₱10.00 na dagdag para sa malalayong ruta.

Dumalo sa pagdinig ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga tricycle operators at drivers, mga commuter, at iba pang mamamayan upang magpahayag ng kanilang opinyon, suhestiyon, at saloobin hinggil sa nasabing panukala.

Kabilang sa mga mungkahing napag-usapan ang paglalagay ng kopya ng panukalang taripa sa bawat tricycle upang maging gabay ng mga pasahero, gayundin ang usapin ng Third Party Liability (TPL) insurance para sa karagdagang seguridad ng mga driver.

Pinangunahan ang pagdinig ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng Komite sa Transportasyon sa pamumuno ni Konsehal Zerex T. Terrado, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng balanseng pagtingin sa kapakanan ng parehong transport sector at ng riding public.

Sa kasalukuyan, ang nasabing panukala ay hindi pa aprubado at kinakailangan pang dumaan sa kaukulang proseso, kabilang ang pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan. Inaasahan na sakaling ito ay maaprubahan, saka pa lamang opisyal na maipatutupad ang bagong taripa.

Habang hinihintay ang pag-apruba sa panukala, maaaring magtaas ng singil sa pamasahe ang mga operators sa pamamagitan ng pagkakasunduan sa antas ng barangay sa pagitan ng mga operator/driver at commuter.

Gayunpaman, hinihikayat pa rin ang lahat na hintayin ang pormal na pag-apruba upang matiyak ang maayos at pantay na implementasyon.

Inaasahan namang magbabalik sa orihinal na pamasahe ang singil sa sandaling maging maayos ang sitwasyon sa pandaigdigang krisis sa petrolyo. (RGDS/RSO; John Andrew Bacani, JMB)