Usapin ng LCPC at LCAT-VAWC, Pinalalim ang Kaalaman ng Lahat ukol sa Adoption at Alternative Child Care

Isang Orientation on Adoption and Alternative Child Care Programs ang isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa mga miyembro ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) at Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC), bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang para sa kapakanan ng bawat batang Bayambangueño.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga miyembro ng konseho sa mga programa at legal na proseso kaugnay ng adoption o pag-aampon at alternative child care.

Idinetalye nina Ms. Hiyasmin Joy N. Rabelas, SWO IV/OIC-RACC Officer, at Ms. Jasmine Jet E. Dagdag, Social Welfare Officer III at Head ng Pre-Placement Unit, ang mga proseso at patakaran sa Adoption at Alternative Child Care Programs, kabilang na ang legal na batayan at mga mekanismo upang mapangalagaan ang interes ng mga bata.

Naroon din si Municipal Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. upang magpaliwanag ukol sa tamang pagproseso ng mga adoption papers.

Sa kanilang mensahe, ipinunto nina Municipal Vice Mayor, Dr. Ian Camille Sabangan, at Councilor Jocelyn Espejo na ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pag-aampon at alternatibong pangangalaga ang siyang magtitiyak na ang bawat bata ay lalaking may wastong pagkalinga, gabay, at pagmamahal.

Ang aktibidad na ito ay patunay ng patuloy na pangunguna ng administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pagtataguyod ng isang komunidad na tunay na mapagkalinga at nagbibigay proteksyon sa bawat batang Bayambangueño.(KB/RSO; KVA)