Noong Mayo 24, 2024, nagkaroon ng pagpupulong online ang Department of the Environment and Natural Resources (DENR)-Region I at LGU-Bayambang upang ipagpatuloy ang paglilinaw sa opisyal na municipal boundary ng bayan ng Bayambang kaugnay ng komputasyon ng National Tax Allotment para sa Bayambang.
Dumalo rito ang mga pinuno at kinatawan ng Assessor’s Office, Municipal Legal Office, at Municipal Planning and Development Office.
Kinumpirma at binigyang-diin ng DENR na alinsunod sa cadastral survey, base na rin sa pagsusuri ng Land Management Bureau (LMB), at maging sa karagdagang sertipikasyon ng Department of Budget and Management (DBM), ang kabuuang lawak ng lupain ng Bayambang ay 14,394 ektarya sa ngayon.
Ipinarating ng LGU na bagama’t kinikilala ng LGU-Bayambang ang lawak ng lupain bilang siyang naitala at sertipikado, ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) nito ay nagdeklara ng kabuuang sukat ng lupain na 16,800 ektarya, at ang munisipalidad ay nasa proseso ng pag-secure ng mga datos at mga dokumento upang suportahan ang claim na ito na isusumite sa DENR at iba pang mga kinauukulang ahensya sa oras na makumpleto. (MLO/RSO; MLO)