Pinangunahan ng Municipal Planning Development Office (MPDO) ang pagpupulong ng Geographical Information System (GIS)-Technical Working Group (TWG). Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng munisipyo, kabilang ang Municipal Administrator’s Office, MDRRMO, Assessor’s Office, Agriculture Office, Municipal Engineering Office, at ICTO.
Sa naturang pagpupulong, ipinaliwanag ang kahalagahan ng GIS sa mga usaping may kinalaman sa lupa, pagbuo ng mga planong pang-kaunlaran ng bayan at paggawa ng mga mahahalagang desisyon ng mga namumuno sa bayan. Tinalakay rin ang mga hakbang upang mapahusay ang kakayahan ng mga kawani ng pamahalaan sa larangan ng digitalization at makabagong teknolohiya. Iprinesenta ni G. Sylvester S. Calderon at G. Dexter R. Magtaan ng MPDO ang paggamit ng Quantum GIS sa locational clearance at development permit application.
Ang mga piling miyembro ng TWG at Mapping and Technical Team, alinsunod sa Executive Order No. 136 Series of 2025, ay inaasahang makiisa upang masiguro ang maayos na implementasyon ng mga programang may kaugnayan sa GIS at mapalakas ang digitization efforts ng bayan para sa mas mahusay at makabagong serbisyo publiko. (MPDO; MPDO)






