Unang Edisyon ng Binibeking Bayambang, Tagumpay na Idinaos; Brgy. SG2 Resident, Inuwi ang Korona

Itinanghal si Rhianna Cerezo Poquiz mula sa Brgy. San Gabriel 2nd bilang kauna-unahang Binibeking Bayambang 2025 na ginanap sa Bayambang Event Center kagabi, Marso 31, bilang bahagi ng pagdiriwang ng unang araw ng Pista’y Baley 2025.

Ito ang kauna-unahang edisyon ng Binibeking Bayambang na binigyang katuparan sa tulong ni Mayora Niña Jose-Quiambao, Konsehal Benjamin De Vera, at ng presidente ng LGBTQIA+ Sammy Lomboy.

Dahil sa hatid na tuwa at galak ng mga kandidata, dinoble ni Mayora ang mga gantimpalang salapi para sa mananalong Binibeking Bayambang 2025, at apat na runners-up. Mula sa orihinal na P50 000.00, P30 000.00, P20 000.00, P15 000, at P7 500, ang premyo ay naging P100 000.00, P60 000.00, P40 000.00, P30 000.00, P15 000.00. Makakakuha naman ng consolation prize na P10 000.00 ang lahat ng nalalabing kandidata.

Ayon kay Mayor Niña Jose-Quiambao, “Bayambang is an inclusive municipality and a safe space for every individual. Sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan, ipinaglaban natin ang pantay na karapatan at oportunidad para sa lahat. Tonight, we continue to stand united for this very reason. We celebrate the LGBTQIA+ community who has contributed so much to the transformation and progress of Bayambang.”

Dagdag pa niya, “Sa lahat po ng mga Bayambangueño, lalo na sa mga kabataan ng ating bayan, remember to respect every person. Each of us deserves to be loved and to be accepted. So let us take a decisive and firm action against spreading hatred and prejudice. Instead, let us promote fairness and harmony.”

Nagpakitang-gilas naman ang bawat kandidata sa iba’t ibang bahagi ng kompetisyon, kabilang ang Dune-Inspired Costume Competition, Swimsuit Competition, Long Gown Competition, at Question & Answer Portion.

Matapos ang matinding pasiklaban ng mga kandidata, nasungkit ni Poquiz ang karangalang maging kauna-unahang Binibeking Bayambang 2025. Sa kaniyang husay sa pagrampa, talino sa pagsagot, at angking karisma, pinatunayan niyang siya ang karapat-dapat na mag-uwi ng titulo.

Bukod sa pagiging kampeon, nakamit din ni Poquiz ang ilang minor awards tulad ng Centro Verde Choice Award, Best in Dune-Inspired Costume, at Best in Talent.

Bilang kauna-unahang nakoronohang Binibeking Bayambang 2025, inaasam niyang hikayatin ang bawat isa na buong tapang, pagmamahal, at pagkamalikhain na ipakita ang kanilang sarili nang walang pag-aalinlangan.

Samantala, nasungkit naman ni Angel Dela Cruz ng Brgy. Buayaen ang titulong 1st Runner-Up, habang si Wowie Apilado ng Brgy. Ataynan ay itinanghal na 2nd Runner-Up. Nakuha naman ni Christine Alfonso ng Brgy. Bongato West ang 3rd Runner-Up, at si Paige Magtaan ng Bongato East ang 4th Runner-Up.

Narito naman ang mga natatanging parangal na natanggap ng iba’t ibang kandidata:

Centro Verde Choice Award – Rhianna Poquiz

Best in Smile – Yanyan Garcia

People’s Choice Award – Paige Magtaan

Darling of the Crowd – Paula Cayabyab

Ms. Feminine Look – Angel Dela Cruz

Ms. Congeniality – Patricia Pastor

Ms. Photogenic – Paige Magtaan

Best in Dune-Inspired Costume – Rhianna Poquiz

Best in Swimsuit – Paige Magtaan

Best in Talent – Rhianna Poquiz

Best in Evening Gown – Paige Magtaan

Sa pagtatapos ng patimpalak, isang bagong mukha ng tapang at dedikasyon ang hinirang. Isang mainit na pagbati para sa ating kauna-unahang Binibeking Bayambang 2025, Rhianna Cerezo Poquiz!

Isinulat ni: Hannah Nicole DC. Gabriel at Mielcher DC. Delos Reyes

Mga Larawan ni: Ronier Ives A. Palisoc, Zentheo R. Raguindin, King James Patricio, at Ace Gloria

Inedit ni: Mr. Frank Brian S. Ferrer at Mrs. Mary Jane F. Manzano

#TeamQuiambaoSabangan

#TotalQualityService