Bago matapos ang taon, nagsagawa ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ng isang programa kung saan inimbitahan ang mga potential investors mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad—hindi lamang sa Pangasinan kundi maging sa iba pang lalawigan—upang ipakilala ang Bayambang bilang isang mayamang lupaing mainam paglagyan ng negosyo at maging partner sa kaunlaran.
Ang aktibidad na may temang, “Strengthening Bayambang Economic Development – A Leap Towards Economic Sustainability” ay pinamagatang “Tuupan,” isang salitang Pangasinan na nangangahulugang “pagtitipon-tipon.” Ito ay idinaos sa Balon Bayambang Events Center noong Nobyembre 24, 2025.
Ang programa ay binuksan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Mayor Niña Jose-Quiambao na, “Ang Bayambang ay hindi lamang naglalayong umunlad, ito ay nagsusulong sa responsibilidad o pananagutan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng disiplina at pananagutan, pinapalakas natin ang ekonomiya upang maging matatag at maaasahan.”
Binigyang-diin ng alkalde na handang-handa na ang bayan para sa mga mamumuhunan — mula sa modernong imprastruktura, empowered na mamamayan, hanggang sa pamahalaang nagsusulong ng tapat at transparent na serbisyo.
Nagpatunay ito na bukas ang Bayambang sa malawak na oportunidad na hatid ng mga potential investors.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sina Municipal Accountant Flexner M. de Vera, Municipal Engineer Bernadette E. Mangande, at MPDO Deputy Sylver Calderon.
Tinalakay ni De Vera ang paksang “Green Investments, Golden Opportunities: Bayambang’s Sustainable Finance Revolution,” kung saan aniya ang bawat proyekto ng lokal na pamahalaan ay isinasagawa nang walang bahid ng korapsyon.
Iprinesenta naman ni Engr. Mangande, sa “Connecting Opportunities: Bayambang’s Infrastructure Advantage for Investors,” ang malalaking pagbabago sa sektor ng imprastruktura, kabilang ang Bayambang Onion Cold Facility, farm-to-market roads, Bayambang Polytechnic College, at ang bagong bukas na Blue Sky Theme Park and Events Center, na nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa negosyo.
Sinundan ito ni G. Calderon sa paksang, “Invest in the Future: Bayambang’s Prime Sectors for Sustainable Growth,” kung saan kanyang tinalakay ang malaking papel ng teknolohiya at inobasyon sa paglikha ng mas mabilis, mataas ang kalidad, at transparent na mga serbisyo ng pamahalaang lokal.
Nagbigay rin ng mensahe si SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao, na naghamon sa mga baguhang negosyante na maging matapang sa pag-invest at gawing kongkreto ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagkilos.
Sa open forum, sinagot ng panel ng LGU officials ang iba’t ibang katanungan ng mga dumalo at naglatag sila ng mas malinaw na larawan kung ano ang maihahatid ng Bayambang sa mga negosyong nagnanais mamuhunan.
Sa kaniyang panapos na mensahe, nagbigay pasasalamat si Municipal Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan, DPA. Ang ganitong pagtitipon aniya ay isa lamang sa mga mahahalagang hakbang upang higit pang palakasin ang kabuhayan at negosyo sa bayan. (Charlaine T. Melendez/JLT; AG)




















