Ang Bayambang ay isa sa mga napiling lokal na pamahalaan upang lumahok sa “Tourism Investment Readiness Bootcamp: Investor Pitching Track” na isinagawa ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ng Department of Tourism (DOT) noong Disyembre 15–16, 2025 sa TIEZA Main Office, Double Dragon Bldg., Pasay City.
Mula sa kabuuang 17 piling bayan at lalawigan sa buong bansa, napabilang ang Bayambang sa mga LGU na inimbitahan sa nasabing workshop na naglalayong ihanda ang mga lokal na pamahalaan sa epektibong pagbuo at presentasyon ng mga investment-ready tourism projects para sa mga local and private investor.
Sa nasabing aktibidad, tinalakay at pinino ang mga investment term sheets, pitch decks, at presentasyon ng mga proyektong panturismo na may potensyal na pondohan ng mga private investors. Kapansin-pansin na ang bayan ng Bayambang ay kinilala bilang isa sa Top 10 Best Presenters/Term Sheets, kung saan ang iminungkahing proyekto ay may malaking posibilidad na maisama sa TIEZA Investor Portfolio — isang opisyal na portfolio ng mga proyektong iniaalok at ipinapakita sa mga prospective investors ng ahensya.
Ang Investor Portfolio ng TIEZA ay isang opisyal na koleksyon ng mga high-impact at investment-ready tourism projects na ginagamit ng ahensya sa pag-uugnay ng mga lokal na pamahalaan sa mga potential investors, at nagsisilbing pangunahing materyal na ipinapakita at iniaalok sa mga investors sa loob at labas ng bansa.
Nirepresenta ni Dr. Rafael L. Saygo si Mayor Niña Jose-Quiambao sa nasabing workshop, at siyang naglahad at nagdepensa ng panukalang proyekto ng bayan.
Ang pagkakapili at pagkilala sa Bayambang sa ganitong antas ay patunay ng kahandaan ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga makabuluhan at pangmatagalang proyektong panturismo na makatutulong sa paglikha ng trabaho, pagpapalago ng lokal na ekonomiya, at pagpapaangat ng imahe ng bayan bilang isang investment-ready na destinasyon. (KBP; RLS/MTICAO)






