Tulong Pinansyal, Ipinamahagi sa 7,676 na Magsasaka at Mangingisda ng Bayambang

Ipinamahagi ang isang tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) para sa may 7,676 na magsasaka at mangingisda mula sa bayan ng Bayambang.

Isinagawa ang payout activity noong Hunyo 9 hanggang Hunyo 10, 2026 sa Pavilion I ng Saint Vincent Ferrer Prayer Park.

Ang programang ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 11, Series of 2026 ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture at sa Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office, sa layuning makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na nahaharap sa mga hamong dulot ng kasalukuyang krisis pangkabuhayan at pang-ekonomiya sa bansa.

Ayon sa mga alituntunin ng programa, bawat kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng ₱2,325.00 bilang ayuda sa harap ng paglaki ng gastusin sa pagsasaka at pangingisda, kabilang ang pagbili ng mga kinakailangang kagamitan at iba pang pangangailangan sa produksyon, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Upang maging kwalipikado sa programa, kinakailangang nakarehistro ang mga benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at maging kabilang sa alinman sa mga sumusunod na kategorya:

– magsasaka ng palay – aktibong nagsasaka sa panahon ng pagbabago sa merkado, may sakahang hindi hihigit sa dalawang ektarya, at rehistrado sa RSBSA;

– magsasaka ng mais at tubo – aAktibong nagtatanim ng mais o tubo at may wastong pagpaparehistro sa RSBSA;

– mangingisda – nakarehistro sa RSBSA-BoatR at kasalukuyang aktibong nagsasagawa ng gawaing pangingisda.

Bukod sa karaniwang proseso, may mga tiyak na kinakailangan para sa mga magsasakang bedridden o nasa ospital:

– mga dokumentong medikal na pinatunayan ng itinalagang technician o opisyal ng Municipal Agriculture Office;

– kopya ng pagkakakilanlan (ID) ng benepisyaryo at ng kinatawang kukuha ng tulong;

– patunay ng ugnayan sa benepisyaryo;

– larawan ng benepisyaryong nakaratay na pinatunayan ng itinalagang tekniko o opisyal ng tanggapan; at

– nakumpletong form ng RSBSA na pinunan ng pinakamalapit na kamag-anak.

Para naman sa mga yumao na benepisyaryo (na pumanaw simula Abril 15, 2026 hanggang sa kasalukuyan):

– sertipiko ng pagkamatay;

– patunay ng ugnayan sa benepisyaryo (tulad ng Sertipiko ng Kapanganakan, Kontrata ng Kasal, o Katibayan mula sa Barangay);

– kopya ng pagkakakilanlan ng benepisyaryo at ng kinatawang kukuha ng tulong; at

– nakumpletong form ng RSBSA na pinunan ng pinakamalapit na kamag-anak.

Inaasahan ng lokal na pamahalaan na malaki ang maitutulong ng programang ito upang mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga magsasaka at mangingisda, na kabilang sa mga pangunahing sektor na nagbibigay ng pagkain at kabuhayan sa komunidad.

Samantala, umalalay din sa aktibidad ang Task Force Disiplina (TFD) sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng dalawang araw na programa sa pangunguna ni TFD Deputy Officer, Lt. Amory Junio, katuwang ang iba pang kawani ng lokal na pamahalaan, upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pamamahagi ng ayuda sa libu-libong benepisyaryong magsasaka at mangingisda. (VMF/RSO; JMB) See less