Sa layunin na matiyak ang tamang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang nangangailangan ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan, nagsagawa ang Regional Office 1 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng training na “Mastering the SWDI Tool” sa tulong ng MSWDO at DSWD Bayambang.
Sumabak sa dalawang araw na training na ito na ginanap sa Balon Bayambang Events Center, noong ika 22 hanggang 23 ng Abril, 2024, ang mga Municipal Link mula sa bayan ng Manaoag, San Jacinto, Mapandan, Sta. Barbara, Malasiqui, at Bayambang.
Sila ay winelcome ni Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr., sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
Ang SWDI Tool o Social Welfare and Development Indicator ay isang sistema ng pagsusuri na naglalayong matukoy ang kalagayan ng isang pamilya kung sila ba ay kwalipikado o hindi na maging benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ipinakilala ng DSWD ang nasabing assessment tool upang mas mapabilis ang proseso ng pagpapatupad ng naturang programa.
Kabilang sa mga naatasang magbigay ng kanilang kaalaman at karanasan sina Provincial Social Welfare Officer III Agnes Natividad, Provincial Case Management Focal Person Carissa Diezma, Regional Case Management Focal Person Jayson B. Juane, at Regional M&E Officer Jayson C. Delfinado.
Tinalakay ang mga sumusunod na paksa: “4Ps Uno SWDI Cycle,” “Exploring the General Intake Sheet,” “Mastering the SWDI Tool (Economic Sufficiency & Social Adequacy),” at “Scorecard Watch List.”
Sa pagtatapos ng seminar, naging mas interaktibo ang training dahil sa isang open forum, at pagkatapos ay nirebyu naman ng mga resource speaker ang summary of agreements at mahahalagang konseptong tinalakay.
Bukod sa paggamit ng SWDI Tool, mahalaga rin anila na ang bawat pamilyang Pilipino ay may sapat na kaalaman at pag-unawa sa mga programa ng pamahalaan upang masiguro ang patas at wastong pamamahagi ng tulong at benepisyo sa mga nangangailangan.
(ni: Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; larawan: JMB)