ni: Shekinah Dizon, The Reflector
Sa gitna ng patuloy na hamon sa kalidad ng trabaho sa bansa, nagsagawa ang Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Bayambang, katuwang ang iba’t ibang ahensya, ng isang Mega Job Fair na ginanap noong Marso 30, 2026 sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park. Layunin nitong direktang iugnay ang mga naghahanap ng trabaho sa mga employer—isang kongkretong hakbang sa gitna ng datos mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) na bagama’t mataas ang employment rate sa bansa, nananatiling hamon ang kalidad at accessibility ng trabaho para sa marami.
Dumalo sa naturang job fair ang 3 international at 18 local employers, recruiters, at agencies, na nag-alok ng iba’t ibang oportunidad sa mga aplikante. Kabilang sa mga trabahong maaaring applyan ang mga sumusunod: Candidate Soldier Course, Management Trainee, Accounting Staff, Marketing Manager, Computer Technician, Service Crew and Cleaner in Charge, Respiratory Therapist, at marami pang iba.
Pinangunahan ang aktibidad ng PESO-Bayambang sa pakikipagtulungan kay Konsehal Raymond Camacho, kasama ang mga katuwang na ahensya tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Overseas Manpower Development (OMW), at Social Security System (SSS).
Ayon sa panayam kay Gernalyn J. Santos, PESO Manager at Supervising Labor and Employment Officer, hindi lamang isang beses na inisyatiba ang job fair sa Bayambang.
“Isinasagawa namin ito kada dalawang buwan upang mas maraming mamamayan ang mabigyan ng pagkakataon na makahanap ng trabaho,” aniya.
Dagdag pa niya, bukod sa job fair ay nagsasagawa rin ang kanilang tanggapan ng iba pang recruitment activities upang mas mapalawak ang abot ng oportunidad.
Ipinaliwanag din ni Santos na bahagi ng proseso ang pag-iimbita ng mga employer mula sa karatig-bayan at iba pang ahensya, dahil aminado siyang kulang pa ang ganitong klaseng oportunidad sa Bayambang. Sa ganitong paraan, mas napapalapit ang mga trabaho sa mismong komunidad.
Sa tala ng NEDA, umabot sa 95.6% ang employment rate ng bansa noong Nobyembre 2025, katumbas ng humigit-kumulang 49.26 milyong Pilipino na may trabaho. Gayunpaman, nananatili pa rin ang 4.4% unemployment rate at 10.4% underemployment, na nagpapakita na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng trabaho—kailangan din itong maging angkop at sapat ang kita.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Santos na hindi kinakailangang may degree ang isang aplikante upang matanggap sa trabaho. Mas mahalaga umano ang pagiging “fit” sa posisyon. Gayunpaman, isa rin sa mga nakikitang dahilan ng unemployment ay ang pagiging mapili ng ilan sa trabaho.
Target ng lokal na pamahalaan na hindi bababa sa 10% ng kabuuang aplikante sa bawat job fair ang agad na mahire o “on-the-spot.” Isang sukatan ito ng tagumpay ng programa, na layong hindi lamang magbigay ng oportunidad kundi maghatid ng agarang resulta.
Nagtala ang aktibidad ng 347 local applicants at 39 na nahire on the spot (HOTS).
Sa huli, kaya’t ang Mega Job Fair ng Bayambang ay higit pa sa isang simpleng pagtitipon ng employer at aplikante, ito ay isang hakbang tungo sa mas inklusibong Bayambang.
Ayon sa isang aplikante na si Michaela de Leon, “Napakahalaga ng ganitong programa lalo na sa mga graduates po na katulad ko na nabakante na nagnanais na pong tumulong sa kaniya-kaniyang pamilya sa mga gastusin.”
Makikita na ang trabaho ay hindi lamang kabuhayan, kundi isang sandata laban sa kahirapan. Sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan at pakikiisa ng komunidad, unti-unting natutupad ang layuning “work for all”—isang adhikaing nagsisilbing pag-asa para sa mas matatag na kinabukasan ng bawat Bayambangueño. (mga larawan nina: Ace York Gullon, The Reflector; first two photos: PESO-Bayambang; JMB)









