Top 15 Barangays sa HAPAG Project, Sumailalim sa On-Site Validation

Isang on-site validation ang isinagawa ng LGU para sa programang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa piling mga barangay sa Bayambang, upang matukoy ang pinakamahusay na program implementer.

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa noong Mayo 13 at 14, 2026 sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture, Municipal Nutrition Action Office, Municipal Environment and Natural Resources Officer, at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang personal na masuri ang implementasyon ng HAPAG program sa bawat barangay, partikular ang pagtatatag at pangangalaga ng mga community garden.

Kabilang sa mga isinailalim sa validation ang mga barangay ng Ambayat I, Hermoza, Reynado, Pangdel, Inirangan, Amancosiling Sur, at Buayaen noong Mayo 13. Samantala, noong Mayo 14 naman ay binisita ang mga barangay ng Bongato West, Zone V, Bacnono, Nalsian Sur, Banaban, Malimpec, Tococ East, at Ligue.

Sa isinagawang pagbisita, sinuri ng validation team ang aktuwal na kalagayan ng mga gulayan, mga inisyatibong pangnutrisyon, at iba pang programang may kaugnayan sa food security at sustainable gardening sa komunidad, base sa sumusunod na criteria:

Backyard gardening – 30 points

HAPAG communal garden – 30 points

Ornamental plants/vegetation – 20 points

Use of recyclable materials – 10 points

Use of organic materials/ products – 10 points

Ito ay alinsunod din sa tema ng taon para sa 2026 Nutrition Month: “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”

Naging bahagi rin ng validation ang pagsusuri sa mga dokumento, larawan, at iba pang rekord na nagpapatunay sa aktibong partisipasyon ng bawat barangay sa programa.

Ayon sa mga opisyal, malaking hakbang ang HAPAG initiative sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at pagsusulong ng mas masustansyang pamumuhay para sa mga residente ng Bayambang.

Pormal na kikilalanin at bibigyan ng parangal ang mga barangay na nagpakita ng natatanging pagganap at dedikasyon sa pagpapatupad ng programa sa darating na Nutrition Month Culmination Day, bilang pagkilala sa kanilang ambag sa pagpapaunlad ng nutrisyon at kabuhayan sa komunidad. (RSO; MNAO)