Ang Autism Society of Bayambang (ASB), katuwang ang Local Government Unit of Bayambang, ay nagdiwang ng 30th National Autism Consciousness Week ngayong araw ng Enero 25, 2026 sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na kinatatampukan ng parada, programa, classroom activity, laro, at iba pa.
Sa ilalim ng temang “Mula Kamalayan Tungo sa Gawa: Pag-unlad ng Autism-OK Philippines,” tampok sa selebrasyon ang programang “Together We Shine: A Walk for Autism Awareness and Acceptance, Year 2,” na layong palalimin ang kamalayan, pagtanggap, at sama-samang pagkilos para sa mga indibidwal na nasa autism spectrum.
Ito ay isang maagang “Ausome Parade” kung saan naglakad ang mga kalahok mula sa MSWDO Building sa Brgy. Magsaysay hanggang sa harap ng Municipal Hall dala-dala ang mga asul na lobo at placards na nagpapahayag ng suporta.
Kasunod nito ay isinagawa ang isang Keynote Discussion at Culminating Program sa Balon Bayambang Events Center, kung saan naghatid ng mensahe sina Councilor Jocelyn Espejo sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at MSWD Officer Kimberly Basco, na pawang nagbigay-diin sa kahalagahan ng inklusibong pamayanan para sa mga may autism.
Binigyang-lalim ng key discussions ang usapin ng suporta at serbisyo para sa autism, sa pangunguna ni Mr. Rafael P. Carungay, SPED consultant at founder ng ASB, na tinalakay ang papel ng autism support groups sa komunidad, at ni Mr. Johnson R. Abalos, PWD Affairs Officer I, hinggil sa mga serbisyong iniaalok ng PWD Affairs Office.
Sinundan ito ng awarding of certificates of appreciation sa mga keynote speakers.
Kabilang sa mga highlight ng programa ang paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng ASB at mga katuwang na institusyon, ang paglulunsad ng ASB official brochure, official membership ID, at opisyal na awit ng ASB na may music video, bilang bahagi ng pagpapalakas ng adbokasiya at organisasyon.
Isinagawa rin ang mga AUsome activities para sa mga bata tulad ng art activity at storytelling, na pinangunahan ng mga guro, opisyal ng ASB, at mga kinatawan ng Binibining Bayambang, upang maipamalas ang kakayahan at malikhaing pagpapahayag ng mga AUsome kids.
Sa okasyong ito, sinagot ni Mayor Niña ang face paint, food cart, at cotton candy, at sinagot naman ni Vice-Mayor IC ang higanteng inflatable playground.
Sa pagtatapos, naghatid ng pasasalamat si Miss Reign Joy C. Lim, Binibining Bayambang 2024 at Youth Officer ng ASB, habang nagbigay ng pangwakas na pananalita si Helen A. Junio, Vice President ng ASB.
Pinangunahan naman nina Xyrone Kyle O. Cachero at Jeff Mikhail I. Ramos ang daloy ng programa bilang masters of ceremonies.
Sa kabuuan, pinatunayan ng aktibidad na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng pamahalaan, organisasyon, at komunidad, tunay na “Together We Shine” sa pagtataguyod ng kamalayan, pagtanggap, at inklusibong kinabukasan para sa lahat. (RSO; AG)












