Kaugnay ng nalalapit na pagpapatupad ng mga inisyatiba tungo sa Disiplinadong Bayambang sa pamamagitan ng mga Disiplina Zone, isinagawa ang isang pulong kasama ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) nitong Hulyo 28, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.
Sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajinni Sagarino-Vidad, at sa pakikipagtulungan ng mga kinatawan mula sa Task Force Disiplina, ginanap ang isang open forum session kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng TODA na maipahayag ang kanilang mga saloobin, hinaing, at suhestiyon kaugnay ng mga patakarang ipatutupad sa ilalim ng disiplina campaign ng lokal na pamahalaan.
Bilang suporta sa sektor ng transportasyon, inanunsyo rin na ang mga miyembro ng TODA ay nakatakdang makatanggap ng mga libreng unipormeng pampasada na ipagkakaloob nina Special Assistant to the Mayor (SATOM) Cezar T. Quiambao at Board Member Raul R. Sabangan. (WMC/RSO; JMB)










