Sa halip na pangamba ang maramdaman, ngiti at pasasalamat ang isinalubong ng mga motorista sa isinagawang munting Valentine’s Day effort ng Task Force Disiplina (TFD) ng LGU-Bayambang.
Karaniwang iniiwasan ng ilan ang TFD dahil sa akalang sila ay sisitahin o huhulihin sa paglabag sa batas-trapiko. Ngunit ngayong Araw ng mga Puso, kabaligtaran ang kanilang naranasan—sa halip na tiket o paalala, simpleng Valentine’s Day token ang ipinamahagi sa mga dumaraang motorista bilang simbolo ng pakikiisa sa pagdiriwang ng pagmamahal.
Ayon sa TFD, layunin ng aktibidad na ipakita na ang disiplina at malasakit ay maaaring magsabay. Hindi lamang pagpapatupad ng batas ang tungkulin ng TFD, kundi maging katuwang din ng komunidad sa pagpapalaganap ng positibong ugnayan sa kalsada.
Marami sa mga motorista ang nagulat ngunit natuwa sa natanggap na sorpresa. Anila, ang ganitong inisyatiba ay nagpapakita na ang TFD ay hindi lamang tagapagpatupad ng regulasyon, kundi tagapagtaguyod din ng malasakit at pagkakaisa sa bayan.
Sa simpleng paraan, napatunayan ng LGU-Bayambang na ang tunay na disiplina ay may kasamang puso—at sa araw na ito, mas nanaig ang pagmamahal kaysa pangamba sa lansangan. (RSO; AG, DM/TFD/BPSO)





