Bilang bahagi ng kanilang community outreach initiative, matagumpay na isinagawa ng mga TESDA Events Management Services NC III Scholars ang Project EMS-CARES: Community Feeding and Wellness Drive noong Mayo 30, 2026 sa Tanolong Covered Court, Bayambang, Pangasinan.
Ang programa ay nagbigay ng masustansyang pagkain at makabuluhang aktibidad para sa mga undernourished na bata mula sa District 5 ng Bayambang. Layunin nitong makatulong sa pagpapabuti ng kalusugan at nutrisyon ng mga benepisyaryo habang pinapalakas ang diwa ng malasakit at bayanihan sa komunidad.
Naging posible at matagumpay ang naturang aktibidad pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at koordinasyon sa Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ng LGU Bayambang, na tumulong sa pagtukoy at pagmomonitor sa mga batang kabilang sa programa.
Ayon sa mga tagapag-organisa, ang Project EMS-CARES ay nagsisilbing huling proyekto ng mga scholars bilang bahagi ng kanilang Enterprise-Based Education and Training. Higit pa sa pagbibigay ng pagkain, layunin din nitong maghatid ng pag-asa, saya, at inspirasyon sa mga kabataang nangangailangan ng suporta mula sa komunidad.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga iskolar, lokal na pamahalaan, at mga katuwang na organisasyon, muling naipakita ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagtataguyod ng mas malusog at mas masiglang pamayanan para sa mga kabataan ng Bayambang. (SMGC; MNAO)











