Target nang buksan sa Setyembre ang temporary Wawa Bridge, matapos ipatawag ni Mayor Niña noong Hunyo 29, 2026 ang Project Engineer ng konstruksyon ng Wawa Bridge na si Engr. Rafael Catbagan upang iparating ang pagkadismaya ng lokal na pamahalaan ng Bayambang sa napakabagal na usad ng proyekto, kasabay ng paghingi ng pinakabagong update hinggil dito matapos ang mga pagbabagong isinagawa ng DPWH sa implementasyon nito.
Ang update ay bunga ng patuloy at walang sawang pakikipag-ugnayan ng alkalde sa DPWH upang matiyak na naipapaabot sa taumbayan ang mga pinakabagong impormasyon hinggil sa konstruksyon ng tulay.
Ayon kay Engr. Catbagan, maaari nang daanan ng mga sasakyang may bigat na hanggang 8 tonelada, kabilang ang mga pampublikong bus, ang temporary Wawa Bridge. Inaasahang pansamantala nitong mapapadali ang pagbiyahe at mababawasan ang abala sa mga motorista at komyuter habang nagpapatuloy ang konstruksyon ng permanenteng tulay.
Bilang bahagi ng mas mahigpit na pagbabantay sa proyekto, inatasan ni Mayor Niña si Municipal Engineer Bernadette Mangande na magtalaga ng isang resident engineer na araw-araw na magsusumite ng ulat sa alkalde hinggil sa progreso ng konstruksyon ng temporary bridge.
Mahigpit ding susubaybayan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang bawat yugto ng konstruksyon upang matiyak na matatapos ito ayon sa itinakdang target sa buwan ng Setyembre. Patuloy ding paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang pakikipag-ugnayan sa DPWH upang mapabilis ang implementasyon ng proyekto at matiyak ang agarang pagkumpleto nito para sa kapakinabangan ng bawat Bayambangueño.
Hinihikayat din ang lahat ng Bayambangueño na manatiling mapagmatyag at makiisa sa pagsubaybay sa progreso ng proyekto upang sama-sama nating matiyak na matatapos ang temporary Wawa Bridge sa itinakdang panahon.(SMGC;MEO/RobC)




