Ayon sa adbokasiya ni Municipal Mayor Niña Jose-Quiambao na “Kalusugan para sa Lahat,” kaniyang hinamon ang lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan sa isang Weight Loss and Physical Fitness Challenge upang masigurong malusog na makapagbigay serbisyo ang mga ito sa gitna ng araw-araw na pakikibaka sa kani-kanilang trabaho. Ang patimpalak na ito ay pinangunahan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at ng Municipal Nutrition Action Office sa ilalim ni MNAO Venus Bueno.
Ngayong araw, April 17, matapos ang flag-raising ceremony, itinanghal ang kauna-unahang winning team ng naturang patimpalak matapos ang anim na buwang pakikipagtunggali sa kapwa challengers at kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-iwas sa kanilang dating eating habits at pagbabago ng lifestyle.
Ang Team Chubz na kinabibilangan ng mga RHU staff na sina Tina Chico, Teresita Mangandi, at Nerissa Zafra ang grupong nakapagtala ng may pinakamalaking weight at fat loss at siyang tumanggap ng certificate, plaque at tumataginting na 100,000 pesos cash mula sa sariling bulsa ni Mayor Niña.
First runner-up naman ang Team Fat to Fab na kinabilalangan nina Jenallyn Gallardo, Ryan Cayabyab at Joseph Malicdem na tumanggap ng P30,000, at 2nd runner-up ang team Jalykath na kinabibilangan naman nina Kathleen Fatima Gamboa, Jacquelyn Maximo at Lyka Placido na nag-uwi ng P20,000.
Sina Jonathan Liwanag at Merly Malicdem na parehong mula sa Team MaMeJo ay tumanggap naman ng special awards na nagkakahalaga ng P5,000 at certificates dahil sila ang mga indibidwal na nakapagtala ng pinakamalaking bawas sa kaniya-kaniyang timbang.
Ang non-winning teams naman na hindi sumuko hanggang dulo ay nag-uwi rin ng certificates at tig-P2,000 kada miyembro.
Inaasahan na magkakaroon pa ng susunod na season ang naturang patimpalak para maenganyo ang lahat na sumali rin sa naturang programa upang magbalik sa malusog na estado ng katawan.