Bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na implementasyon ng inisyatiba nito, nagsagawa ang Task Force Disiplina ng Orientation Seminar sa pangunguna ni Special Assistant to the Mayor (SATOM) at Task Force Disiplina Chairman Dr. Cezar T. Quiambao, noong July 28, 2025, sa Mayor’s Conference Room.
Dinaluhan ito ng 26 na miyembro ng nasabing task force na magsisilbing frontliners sa pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at patakaran.
Sa kaniyang mensahe, pinaalalahanan ni Dr. Quiambao ang mga magsisilbing tagapagpatupad ng batas na kailangang maging patas at walang kikilingan, at ang bawat mamamayan ay dapat sumunod sa parehong pamantayan anuman ang estado sa buhay.
Bilang bahagi ng programa, ang mga kalahok ay nakibahagi sa serye ng mga lecture hinggil sa courtesy at discipline, kung saan tinalakay ang wastong asal, pakikitungo sa publiko, at ang kahalagahan ng pagiging huwarang tagapagpatupad ng batas.
Bahagi rin ng seminar ang physical conditioning session, bilang paghahanda sa mga pisikal na hamon na kaakibat ng kanilang tungkulin sa field.
Nagsilbing mga tagapagsalita sa nasabing programa sina Ret. Philippine Army (PA) Col. Leonardo F. Solomon, Task Force Field Operations Team Leader; Dario M. Mangandi, Deputy Officer ng BPSO; LtCol. Benny C. Singca, INF PA, Battalion Commander ng 71st Infantry Batallion, 7th ID, PA; at Atty. Czarina Martinez-De Vera, Legislative Staff Officer ng Administrative and Adjudication Department ng Task Force Disiplina.
Nakatakdang magsimula sa Agosto 1 ang implementasyon ng Disiplina Zones, o mga barangay kung saan kinakailangan ang mas maigting na pagpapatupad ng mga lokal na batas, tulad ng mga matatagpuan sa sentrong bahagi ng bayan, at inaasahang lalawak pa ang sakop nito habang umuunlad ang programa. (WMC/RSO; AG)









