Sa regular na pulong ang Task Force Disiplina (TFD) ng LGU Bayambang noong Disyembre 4, 2025, sa Mayor’s Conference Room, tinalakay ang mga kasalukuyang isyu at programang may kinalaman sa pagpapanatili ng kaayusan at disiplina sa bayan.
Pinangunahan ng mga miyembro ng TFD ang pagtalakay sa rehistrasyon ng mga e-bike at e-trike, kung saan nabanggit ang kasalukuyang bilang ng mga yunit at ang mga kinakailangang hakbang upang mapalakas pa ang pagpapatupad ng regulasyon.
Isa rin sa mga sentrong paksa ang paglilinaw sa mga violation fees, partikular na ang pagkakaiba ng mga multa sa ilalim ng Land Transportation Office (LTO) at mga umiiral na municipal o provincial ordinances, upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad.
Dumalo sa pulong si LTO-Bayambang OIC Chief Ma. Dolores Soliven upang magbigay linaw sa mga isyu, at iulat ang planong pagpapalabas ng mga informational video materials ukol sa mga nabanggit na paksa, kabilang na ang drunk driving at iba pang mga violation na nauuwi sa disgrasya.
Nagbigay rin ng update ang Task Force hinggil sa operasyon ng mga talipapa vendors sa Barangay Nalsian Sur, kabilang ang mga rekomendasyon upang matiyak ang kaayusan at pagsunod sa itinakdang guidelines.
Samantala, ipinasa na rin ng mga miyembro ang kanilang programs, projects, at activities (PPAs) para sa taong 2026 bilang bahagi ng Annual Investment Program (AIP) requirements.
Sa huli, nagpahayag ang TFD ng kanilang patuloy na pagtutok upang matiyak ang maayos, ligtas, at disiplinadong pamayanan para sa lahat ng Bayambangueño. (RSO; JMB)







