Sa pagpupulong ng Task Force Disiplina sa Agriculture Office Conference Room noong Nobyembre 20, 2025, tinalakay ang mga mahahalagang usapin na may kinalaman sa kaayusan, disiplina, at regulasyon sa loob ng bayan, kung saan dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan at ahensya ng LGU upang pag-isahin ang mga polisiya at aksyon na isasagawa sa mga darating na linggo.
1. Tinalakay ang mga update kaugnay ng pagsasaayos ng parking lot sa dating kinatatayuan ng Yellow Building upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at mapanatili ang maayos na daloy ng mga sasakyan sa paligid ng pamilihang bayan.
2. Kasunod nito, muling pinagtuunan ng pansin ang pagpapatupad ng merit system para sa lahat ng vendors at sellers, kabilang ang finalization sa proseso ng pag-isyu ng business permit, upang matiyak na ang mga nagnenegosyo ay sumusunod sa itinakdang alituntunin ng bayan.
3. Pinag-usapan din ang pagpapalawig ng implementasyon ng Task Force Disiplina sa antas ng mga barangay, partikular sa mga rural areas, upang mas mapalakas ang kampanya para sa disiplina at kaayusan sa komunidad.
4. Nagkaroon din ng paglilinaw hinggil sa violation fees upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga multa at parusa.
Sa huling bahagi, binigyang-daan ang iba pang usapin na may kinalaman sa pang-araw-araw na operasyon at mga isyung dapat agad na matugunan. Nagtapos ang pagpupulong sa isang panawagan para sa mas mahigpit ngunit makataong pagpapatupad ng mga patakaran upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa buong bayan. (RSO; JMB)










