Task Force Disiplina, Ilulunsad sa Lahat ng 77 Barangays

Pormal nang inilunsad ng pamahalaang lokal ng Bayambang ang implementasyon ng Task Force Disiplina sa lahat ng 77 barangay, sa isinagawang orientation activity sa Balon Bayambang Events Center nitong December 2.

Pinangunahan ang aktibidad nina Mayor Niña Jose Quiambao, SATOM/Task Force Disiplina Chairperson, Dr. Cezar T. Quiambao, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, kasama ang mga opisyal mula sa iba’t ibang departamento at mga kinatawan ng barangay.

Ani Dr. Quiambao, “Ang bawat tagumpay ay nagsisimula sa simple at tapat na disiplina ng bawat mamamayan,” na tumutukoy sa malinaw na ugnayan ng personal na pag-uugali at kolektibong pag-unlad ng bayan.

Nagbigay naman ng overview tungkol sa operasyon at layunin ng Task Force si PLtCol. Rommel P. Bagsic, Acting Chief of Police ng Bayambang MPS.

Samantala, tinalakay ng mga resource speakers ang mahahalagang paksa para sa pagpapatupad ng disiplina sa bawat barangay: mga Municipal Ordinances na ipinaliwanag ni Mr. Joel V. Camacho; Solid Waste Management na dinala ni MENRO Ma-Lene S. Torio; Traffic Management na ipinaliwanag ni Mr. Edmon Favila; at Task Force Field Operations na tinalakay ni Ret. Col. Leonardo F. Solomon, BPSO Chief.

Nagkaroon din ng isang open forum kung saan tinalakay at nilinaw ang mga katanungan at mungkahi mula sa mga kalahok na barangay officials.

Sa pamamagitan ng programang ito, layon ng LGU-Bayambang na palakasin ang kultura ng disiplina at kaayusan sa bawat barangay, bilang hakbang tungo sa mas maayos, ligtas, at progresibong pamayanan. (WMC/RSO; AG)