Base sa mga napag-usapan sa isang pulong, nakatakdang ilunsad ng LGU ang Task Force Disiplina bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaayusan, kalinisan, at disiplina sa buong bayan.
Ang inisyatibong ito ay tugon sa lumalalang isyu ng mga paglabag sa mga lokal na ordinansa gaya ng ilegal na pagparada, pagtapon ng basura sa hindi tamang lugar, pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at iba pang gawaing nakaaapekto sa kapakanan ng komunidad.
Ang Task Force Disiplina ay binubuo ng mga kinatawan ng Municipal Police Station, BPSO, MDRRMO, MPDC, MENRO, Municipal Health Office, at iba pang kaugnay na ahensiya.
Sila ay magsasagawa ng regular na inspeksyon at monitoring sa mga barangay, pamilihang bayan, pampublikong lugar, at pangunahing lansangan upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin.
Bukod sa pagsita at pagbibigay ng babala, maglalabas din ng mga citation ticket ang Task Force para sa mga mahuhuling lumalabag, alinsunod sa mga umiiral na batas at ordinansa.
Layunin nitong turuan ang mamamayan ng tamang asal at pag-uugali bilang responsable at disiplinadong miyembro ng lipunan, sa halip na agad magpataw ng parusa.
Nanawagan naman si Mayor Niña Jose-Quiambao sa lahat ng Bayambangueño na makiisa at suportahan ang adhikain ng Task Force Disiplina.
Aniya, “Ang kaunlaran ng bayan ay hindi lamang nakasalalay sa mga proyekto kundi sa disiplina ng bawat isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang malinis, maayos, at ligtas na Bayambang.” (RLS; AG)