Tapiador, Tulagan, Itinanghal na Little Mr. & Ms. Bayambang 2024

ni: Jamaica R. Gulapa

Dumadagundong na hiyawan at palakpakan ng mga manonood ang bumalot sa paligid nang tanghaling Mr. and Ms. Little Bayambang 2024 sina Brilliant Diamond Tulagan at Clark Kent Zion Tapiador na kabilang sa 22 kalahok mula sa iba’t ibang barangay sa idinaos na patimpalak noong ika-3 ng Abril sa Balon Bayambang Events Center.

Bilang panimula ng programa, ipinakita ng mga bibong chikiting ang kanilang galing sa pagsayaw para sa kanilang opening number na sinundan ng opisyal na pagbubukas ng programa.

Nakabibinging ingay ang umugong sa loob ng Events Center sa pagrampa ng bawat kalahok sa kanilang opening number. Lahat ay nagpakitang-gilas sa pagpapakila sa kanilang sarili, kaya’t naaliw at natuwa ang mga manonood sa kanilang bukod-tanging pagpapakilala.

Nagpasiklaban ang mga bata sa kanilang sportswear at pormal na kasuotan at long gown na inirampa at ibinida ng mga bata sa ikalawa at ikatlong bahagi ng patimpalak. Makalaglag-panga ang kanilang naging pagrampa dahil sa kanilang mga marangyang kasuotan. 

Iginawad sa bahagi ng programa ang ilan sa mga special awards. Nakamit nina Red Izumi Castañares (Brgy. Zone 6) at Master Emman Bravo (Brgy. Zone 5), ang Best Smile Award; Darekhaye Ferrer (Brgy.  M. H. Del Pilar) at Clark Kent Zion Tapiador (Brgy. Zone 2), Bibo Kid Award; Clark Kent Zion Tapiador at Ivana Trina Botwinik (Brgy. Zone 2), Most Adorable; Ysthar Abellar (Brgy. Tatarac) at Master Emman Bravo (Brgy. Zone 5), Most Charming; Cathalina Sophia Sison (Brgy. Alinggan) at Clint Marcus Lucero (Barangay Wawa), Centro Verde Choice Award; Loise Vienn Dayrit (Brgy. Zone 6) at Angel Jarence Austria (Brgy. Ligue), Congeniality Award; Rose Tahanlangit (Brgy. Malimpec) at Matthew Singh (Brgy. Ligue), Top Model Award; Red Izumi Castañares (Brgy. Zone 6) at Clint Marcus Lucero (Brgy. Wawa), Photogenic Award; at Ivana Trina Botwinik (Brgy. Zone 2) at Matthew Singh (Brgy. Ligue), Darling of the People.

Nakuha naman nina Clark Kent Tapiador at Ivanna Trina Botwinik ang Best in Talent; Clark Kent Tapiador at Rhed Izumi Castañares ang Best in Summer Wear; at Clark Kent Tapiador at Brilliant Diamond Tulagan ang Best Formal Wear/Long Gown.

Matapos ibida ang mga nagniningning at magarbong pormal na kasuotan, inanunsyo na ang mga papasok sa Top 5 at napabilang sa mga lalaki sina Rhojhun Roquez (Brgy.  Managos), Keero Perez (Brgy. Tambac), Angel Jarence Austria (Brgy. Ligue), Paul Jherwin Ngagan (Brgy. Buenlag 1st), at Clark Kent Zion Tapiador, habang sina Cathalina Sophia Sison, Aoi Rose Tahanlangit, Brilliant Diamond Tulagan, Red Izumi Catañares, at Ivana Trina Botwinik naman ang pasok sa Top 5 sa mga babae.

Sinundan agad ito ng tagisan ng talino sa pagsagot sa Q&A kung saan nagpagandahan sila ng sagot sa tanong na, “Kung ikaw si Mayor Niña Jose Quimbao, ano ang gagawin mo para lalo mo pang mapaganda ang Bayambang?” at “Para sa iyo, bakit mahalaga na ikaw ay manalo bilang Little Ms./Mr. Bayambang 2024?”

Ang mga itinanghal na Little Mr. and Miss Bayambang 2024 ay tumanggap bawat isa ng P50,000, sash, trophy, at korona.

Sina Angel Jarence Austria at Ivana Trina Botwinik ang itinanghal na 1st runner-up, at sina Paul Jerwin Ngagan at Cathalina Sophia Sison naman ang nakakuha ng 2nd runner-up.

Samantala, nagbigay ng mensahe sina Mayor Nina Jose-Quiambao at Vice Mayor Ian Camille Sabangan kung saan kapwa nila binigyang-diin ang kasabihang, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na siya ring punong-abala sa Little Mr. and Ms. Bayambang, ay nagbigay ng papuri sa mga magulang ng mga kalahok sa pagpapalaki sa mga bata dahil sila aniya “ang magiging magandang kinabukasan ng Bayambang.”

Ang lupon ng inampalan ay kinabilangan nina Gng. Elmina Quinto Paras, G. Glen Gonzales, Dir. Niño Elijia Gaddi, Bb. Rovina Monderin Paningbatan, at Dr. Estrella Q. Glorioso bilang Chairman of the Board of Judges.

Binigyang-buhay naman ang palatuntunan ng mga magagaling na host na sina Sergs Delos Santos na siya ring pageant director at Bb. Daniela Daria May Llanillo, Bb. Bayambang Charity 2022.

Kabilang sa mga naging sponsor ng mga minor at special awards sa paligsahan ang Centro Verde, AILC, JKQ Hospital, Niñas Café, Jojie’s Padua Rice Mill, Consumer Minimart, Royal Mall, JQS Builders, Petro Point, Royal Supermarket, CS First Bank, Silver Concha, E-Agro, Richstar, Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc., at CSI.

Isa ang patimpalak na ito sa inabangan ng mga Bayambangueño sa mga nakahanay na programa ng Pista’y Baley 2024.

Dahil sa Little Mr. & Ms. Bayambang, unti-unting nahuhubog ang mga lokal na kabataan sa murang edad at isipan pa lamang upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili sa pagharap sa madla at ipakita ang husay, talion, at talento ng mga ng Bayambangueño, na siyang dahilan kung bakit “maganggana” ang Bayambang.

(larawan: Ron Ichiro Villanueva, Ace Gloria)