Kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng National Women’s Month, matagumpay na idinaos ngayong araw ang ‘Takbo Para kay Juana: Purple Fun Run for a Cause,’ isang makulay at makabuluhang inisyatiba na naglalayong isulong ang pagkakapantay-pantay at pagpapalakas sa sektor ng kababaihan sa komunidad.
Ang aktibidad ay pumatak din sa araw ng International Women’s Day, ika-8 ng Marso, 2025.
Daan-daang Bayambangueño mula sa iba’t ibang sektor ang lumahok sa naturang fun run, suot ang kanilang purple running gear bilang simbolo ng suporta sa adbokasiya ng women empowerment.
Kabilang sa mga nakiisa ang mga kawani ng LGU, mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, pati na rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Matapos ang takbuhan sa paligid ng Poblacion, pinarangalan sa Public Auditorium ang mga nanguna sa takbuhan. Ang 1st placer ay nag-uwi ng P5,000 cash, ang 2nd placer ay nagwagi ng P3,000, at ang 3rd placer ay mayroong P2,000. Ang mga 4th placer hanggang 10th placer naman ay may tig-P1,000 na papremyo.
Isang raffle draw ang isinagawa rin bilang surpresa sa mga bumili ng tiket, kung saan sila ay binigyan ng iba’t ibang papremyo.
Kabilang sa mga sponsors ang Agricultural Infrastructure Leasing Corp., na nagbigay ng 35 sako ng tig-5-kilo na bigas, BM Sheila Baniqued, na nagbigay ng 2 electric fans, BM Vici Ventanilla, na nagdonate ng 4 electric fans, Royal Mall Bayambang, na namigay ng P3,000 cash, at Cong. Rachel ‘Baby’ Arenas, na namigay ng P5,000.
Ang nalikom na pondo mula sa aktibidad ay nakatakdang ilaan para sa pagbili ng mga bahay kubo na ipamamahagi sa mga mapipiling benepisyaryo.
Ang Fun Run for a Cause, na inorganisa ng mga miyembro ng LCAT-VAWC at Local Council for Women, ay naging simbolo ng patuloy na suporta ng Bayambang, sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, sa mga programang nagpapatibay sa kababaihan—patunay na ang sama-samang pagkilos ay susi sa isang mas inklusibo at makatarungang mundo. (RGDS/KB/RSO; AG)
#TeamQuiambaoSabangan
#TotalQualityService
#NiñaAroTaka
#NWMC2025