Taiwanese Professor at Negosyante, Namangha sa Bayambang; Nagpahiwatig ng Posibleng Kooperasyon sa JKQ Medical and Wellness Center, LGU, AT BPC!

Matapos ang matagumpay na educational trip ng JKQ Medical and Wellness Center kasama ang mga opisyal ng LGU-Bayambang at Bayambang Polytechnic College (BPC), bumisita naman sa bayan ng Bayambang ang dalawang panauhing galing Taiwan para sa posibleng knowledge sharing, student exchange, at institutional partnerships.

Ang mga panauhin ay sina Dr. Yong-Chao So An, Associate Professor ng Kaohsiung Medical University (KMU) at Executive Director ng Edu-Connect Taiwan na nakikipag-ugnayan sa University of the Philippines Open University, at Mr. Zachariah Li Guan-Han, isang negosyanteng planong magtayo ng Bubble Tea business sa Pilipinas.

Mainit silang tinanggap ni Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lokal na pamahalaan sa pagpapalawak ng internasyonal na ugnayan.

Sa JKQ Medical and Wellness Center, tinalakay ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa operasyon ng ospital at mga makabagong healthcare technologies mula Taiwan. Pinangunahan ni Dr. Estrella Q. Glorioso, Hospital President, kasama sina Atty. Arnel Glorioso, Hospital Administrator, at Dr. Dave Gamboa, Medical Officer, ang hospital tour at diskusyon kung saan ipinaliwanag nila kung paano maaaring magamit ang teknolohiya sa pagpapabilis ng serbisyong medikal.

Samantala, sa Bayambang Polytechnic College, ibinahagi ni College President Dr. Rafael Saygo ang mga proyekto ng kolehiyo kabilang ang mga produktong gawa ng mga mag-aaral bilang bahagi ng entrepreneurial training program ng BPC. Napahanga ang mga bisita sa talino at kasipagan ng mga estudyante, at tinalakay ang posibilidad ng student exchange programs, industrial partnerships, at scholarships for master’s degrees sa Taiwan.

Hindi rin pinalampas ng mga panauhin ang pagbisita sa Bayambang Dairy Farm sa Barangay Mangayao na pinangunahan nina KKSBFI COO, Mr. Romyl Junio, at BDF Manager Sammy Lomboy, kung saan ipinakita ang mga produktong gatas at iba pang gawa ng lokal na magsasaka.

Sa kanilang pagbisita, nagbukas ng panibagong oportunidad ang Bayambang para sa international collaboration — isang patunay na ang bayan ay patuloy na umaangat, lumalawak ang koneksyon, at handang makipagsabayan sa makabagong mundo ng edukasyon, kalusugan, at negosyo. (RLS; RLS/BPC)