Nagsagawa muli ang Switch Cafe ng isang outreach program para sa may 100 indigent na benepisyaryo, kabilang ang kanilang mga maliliit na anak, nitong Disyembre 27, 2025 sa Balon Bayambang Events Center, katuwang ang kanilang mga sponsor at ang Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ng LGU-Bayambang.
Ang aktibidad ay nagbigay ng tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan, partikular sa aspeto ng nutrisyon at kalusugan. Kabilang sa mga barangay na nasaklaw ng programa ang Malioer, Apalen, Carungay, Hermoza, Darawey, Dusoc, Pangdel, Poblacion Sur, at Warding.
Sa pakikipagtulungang ito ng pribadong sektor at ng lokal na pamahalaan, naipahatid sa mga benepisyaryo ang mga tulong na makakapagpabuti ng kanilang kalagayang pangkalusugan at nutrisyon.
Binigyang-diin ng MNAO ang kahalagahan ng ganitong mga inisyatiba upang matugunan ang isyu ng undernutrition, lalo na sa mga kabataan.
Nagpasalamat naman ang LGU-Bayambang sa Switch Cafe at sa lahat ng sponsors sa kanilang malasakit at aktibong pakikilahok sa mga programang panlipunan.
Ayon sa pamahalaang bayan, ang ganitong uri ng pagtutulungan ay patunay na sama-samang pagkilos ang susi sa mas malusog at mas maunlad na komunidad ng Bayambang. (RSO; MNAO)







