Supplemental AIP, Inaprubahan sa MDC Meeting

Sa pulong ng Municipal Development Council (MDC) ngayong araw, ika-4 ng Nobyembre 2025, sa SB Session Hall, inaprubahan ang tatlong mahahalagang dokumento, kabilang ang Supplemental Annual Investment Program No. 2 for CY 2025, na magiging gabay sa paglalaan ng pondo para sa mga proyektong pangkabuhayan at panlipunan.

Dumalo sa nasabing pagtitipon ang 77 na Punong Barangay, 34 na kinikilalang Civil Society Organizations (CSOs), at mga miyembro ng Local Finance Committee na kinabibilangan nina OIC Municipal Planning and Development Officer Ricky S. Bulalakaw, Municipal Engineer Bernadette Mangande, at si Councilor Jose S. Ramos, Tagapangulo ng Komite sa Pananalapi at Badyet ng Sangguniang Bayan.

Naroon din si Councilor Jessica Gueco, bilang representante ni Cong. Rachel Baby Arenas, na ipinaliwanag ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga barangay.

Samantala, nagbahagi ng teknikal na detalye si Engr. Mangande ukol sa planong pagpapatayo ng mga health center sa limang barangay gamit ang 20% Development Fund.

Ang nasabing pulong ay hudyat ng mas masinop na pagpaplano tungo sa pagpapalakas ng mga iba’t-ibang sektor sa Bayambang. (Karl Alvarez, VMF/RSO; AG)