Suporta at Serbisyong Pang-Agrikultura, Mas Pinalakas sa Farmers’ Meeting

Upang mas mapalakas ang suporta at serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka ng bayan, isang Farmers Association Presidents Meeting ang isinagawa nitong Nobyembre 19, sa Balon Bayambang Events Center.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, pinangunahan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang opening remarks na nagbigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na suporta ng LGU sa sektor ng agrikultura bilang backbone ng local economy.

Kasunod nito, tinalakay ni Agriculturist I Bernabe Claveria ng Philippine Coconut Authority (PCO) ang tungkol sa kanilang mga programa, habang nagpresenta naman si Syngenta/E-Agro Project Consultant Maricris Palarca ng mga teknolohiya at kaalaman sa corn seed production, na naglalayong mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka.

Sa meeting proper, tinalakay ang updates sa planting season ng onion at corn; DA–RFO1 fertilizer allocation para sa mga magsasaka; at pamamahagi ng hybrid palay seeds para sa dry season second cropping.

Nagkaroon din ng talakayan patungkol sa updates sa banner programs, request para sa Farmers’ President uniform, at preparasyon para sa nalalapit na Farmers’ President Christmas Party.

Nagwakas ang pagpupulong sa pamamagitan ng isang open forum, kung saan malayang naipahayag ng mga magsasaka ang kanilang mga katanungan, puna, at rekomendasyon. (Charlaine T. Melendez, RGDS/RSO; JMB)