Muling nabuhay ang makulay na kultura at tradisyon ng Bayambang sa pagbubukas ng ika-411 na Pista’y Baley, tampok ang makapigil-hiningang street dance parade na nilahukan ng iba’t ibang paaralan sa bayan. Sa pagsisimula ng kapistahan noong Marso 31, 2025, nagningning ang lansangan sa sayawan, sigla, at matitingkad na kasuotan ng mga mag-aaral.
Ang Street Dance Parade ngayong taon ay naging makulay at masining na pagpapakita ng kultura at kasayahan sa bayan ng Bayambang. Naging sentro at highlight ng parada ang “Silew ed Dalan,” kung saan ginamit ng mga kalahok ang iba’t ibang uri ng pailaw sa kanilang mga costume. Ang makislap na disenyo at kahanga-hangang choreography ay nagbigay ng kakaibang sigla sa buong kaganapan, na lubos na hinangaan ng mga manonood.
Ito ang pinakahihintay na bahagi ng pagdiriwang, kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kanilang husay sa pagsasayaw at ang yaman ng kultura ng Bayambang. Bawat grupo ay nagpakitang-gilas sa makasaysayang lansangan ng bayan, suot ang makukulay at detalyadong kasuotan na sumasalamin sa temang “Mankirlap, Magaygayagan Bayambang” o “Masayang Bayambang, Nagningning.”
Sa kanyang pambungad na mensahe, ipinahayag ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kanyang kagalakan sa muling pagsasama-sama ng mga Bayambangueño upang ipagdiwang ang mayamang kasaysayan ng bayan. Ayon sa kanya, “Lahat ng ating ginagawa ay may pagmamahal at para sa ikabubuti at ikauunlad ng Bayambang. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas at inspirasyon upang magpatuloy sa ating misyon para sa bayan. Ito ang tunay na dahilan kung bakit sa kabila ng kadiliman, patuloy na nagliliwanag at nagniningning ang ating bayan. Tunay na mankirlap, tunay na magayaga.”
Iba’t ibang paaralan ang lumahok sa makulay na selebrasyon kabilang ang Hermoza National High School, Moises B. Rebamontan National High School, Tococ National High School, Bayambang National High School, Saint Vincent’s Catholic School of Bayambang Inc., Sapang Elementary School, Buenlag Elementary School, Bacnono Elementary School, Beleng National High School, Catalino Castañeda & Sanlibo National High School, Tanolong National High School, Bayambang Central School, at Bayambang Polytechnic College, at nakiparada rin maging ang Sangguniang Kabataan Federation ng bayan.
Ang kasiyahan ay nadama hindi lamang ng mga kalahok kundi pati na rin ng mga manonood na masiglang pumalakpak at sumayaw sa bawat kumpas ng musika. Ang engrandeng pagtatanghal ng mga paaralan ay patunay ng dedikasyon ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang sa pagpapanatili ng kulturang Bayambangueño.
Bukod sa street dance parade, tampok din sa pagbubukas ng pista ang iba’t ibang aktibidad tulad ng cultural performances, exhibits, at food fair.
Sa pagtatapos ng programa, muling ipinaalala ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kahalagahan ng pagkakaisa at pananampalataya sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang. Aniya, “Habang tayo ay nananatiling matatag at nagkakaisa, naniniwala akong sabay-sabay nating mapagtatagumpayan ang laban sa kahirapan.”
Sa pagpapatuloy ng selebrasyon ng Pista’y Baley 2025, asahan ang mas marami pang makulay at makabuluhang aktibidad na magpapakita ng tunay na diwa ng pagiging Bayambangueño na masaya, nagkakaisa, at patuloy na nagniningning.
Written by: Ishbel Yumiko R. Cruz
Photos by: Francklin Benedict S. Gomez, Ace Gloria
Edited by: Mr. Frank Brian S. Ferrer