Status ng Mangabul Lake Reservation Reclassification, Nilinaw sa Pampublikong Dayalogo

“Hindi lahat ng impormasyong kumakalat tungkol sa usapin ng lupa ay dapat agad paniwalaan.”
Ito ang naging mahalagang mensahe sa isinagawang public dialogue ngayong araw, Agosto 19, 2026, sa San Gabriel 2nd Covered Court/Barangay Hall, na naglalayong magbigay-linaw sa kasalukuyang estado ng Mangabul Lake Reservation Reclassification at sa mga isyung may kaugnayan sa mga uncoordinated land survey sa lugar.

Pinangunahan ni Municipal Legal Officer at OIC Municipal Assessor, Atty. Bayani B. Brillante, REB, ang pampublikong dayalogo upang matiyak ang maayos na talakayan at pagbibigay-linaw sa mga katanungan ng mga dumalo.
Dinaluhan ang naturang talakayan ng mga land claimant, concerned barangay officials, at iba pang stakeholders, kabilang sina Punong Barangay Joseph Paca ng Manambong Norte, Punong Barangay Romeo Macaraeg ng Manambong Parte, Punong Barangay Pepito Lasquite ng Manambong Sur, Punong Barangay Gildo Madronio ng San Gabriel 2nd, Punong Barangay Joel Prestoza ng Paragos, Punong Barangay Zaldy Flores ng Tampog, Punong Barangay Arnel Ochave ng Pantol, at dating Mayor Ricardo M. Camacho.

Nabigyan sila ng pagkakataong makinig, magtanong, at magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa sa mga proseso at usaping may kaugnayan sa reclassification at land surveys sa lugar.
Sinimulan ang programa sa pambungad na mensahe ni Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajini S. Vidad, habang dumalo rin si SATOM, Dr. Cezar Quiambao, bilang suporta sa layuning malinawan ang publiko hinggil sa mga impormasyong kumakalat tungkol sa status ng Mangabul Lake Reservation.
Binigyang-diin ni Dr. Quiambao ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon at pagkuha ng pahintulot bago magsagawa ng land survey upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga magkakatabing claimant. Aniya, “Kailangan may approval ang may-ari bago ito sukatan. Kung gusto niyo magpasukat, siguraduhin niyo lamang na ang mga katabi niyong lupa ay sumang-ayon para hindi magkaroon ng away.”

Dumalo rin sa pagpupulong si Municipal Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Board Member Raul Sabangan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, bilang pagpapakita ng suporta sa mga magsasaka at sa kanilang mga karapatan at interes kaugnay ng kanilang mga lupain.

Pangunahing tinalakay sa dayalogo ang kasalukuyang status ng Mangabul Lake Reservation Reclassification, na patuloy na isinusulong ng administrasyon sa tulong ni Congresswoman Rachel Arenas, at ang usapin hinggil sa mga uncoordinated land surveys sa lugar. Ipinaliwanag nina Mr. Rodolfo Camacho, President ng Federation of Free Farmers/Mangabul Lake Farmers Association, at Engr. Manuel Romin ang mga isyung may kaugnayan sa isinagawang land surveys, kabilang ang paglilinaw sa kumakalat na alegasyon hinggil sa ₱5,000 na bayad para sa survey ng lupa. Binigyang-diin na ang naturang halaga ay hindi sapilitan at para lamang sa mga magsasakang kusang-loob at interesadong magpasurvey ng kanilang lupa. Walang pinipilit na magbayad o magpa-survey kung hindi nila ito nais.

Dahil dito, hinikayat ang mga land claimant na huwag agad maniwala sa mga impormasyong nagsasabing obligadong magbayad ng ₱5,000 ang lahat ng magsasaka. Mahalaga pa rin ang wastong pagberipika at paghingi ng malinaw na impormasyon bago makilahok sa anumang proseso o makipagtransaksiyon na may kaugnayan sa kanilang mga lupain.

Binigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at maalam ng publiko, lalo na sa pakikitungo sa mga indibidwal na nagsasagawa o nagpapakilalang awtorisadong land surveyor o kinatawan kaugnay ng mga land claim. Mahalaga ang wastong pagberipika ng impormasyon at paghingi ng kaukulang paglilinaw mula sa mga awtorisadong tanggapan upang maiwasan ang pagkalito, maling impormasyon, at posibleng panlilinlang.

Sa pamamagitan ng bukas na dayalogo at maayos na koordinasyon, mas napapalakas ang kakayahan ng mga land claimant at ng komunidad na makilala ang lehitimong proseso at makagawa ng mas maingat at responsableng desisyon hinggil sa kanilang mga lupain. (JLT/RSO; JMB) See less