Hulyo 5, 2023, iniulat ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis “Niña” Jose-Quiambao ang kanyang kauna-unahang State of the Municipality Address na may temang “Ahon: Ang Kwento ng Pag-angat ng Pamilyang Bayambangueño.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng alkalde ang kapansin-pansing mga programa na nagawa ng munisipyo sa nakalipas na taon sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan 2.0 na binabalangkas ang anim na sektor, kabilang na ang: Edukasyon Para sa Lahat, Kalusugan Para sa Lahat, Proteksyon ng Kababaihan at Kabataan, Trabaho at Hanapbuhay Para sa Lahat, Modernisasyon sa Sektor ng Agrikultura, at Tapat at Mahusay na Lingkod-Bayan.
Bukod pa rito, narinig rin ang kwento at mensahe ng ilang mga Bayambangueño na natulungan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng munisipyo.
“Sa tulong po ng LGU, napanatili pong malusog ang aking pagbubuntis, at naging malusog din po ang aking baby noong siya ay pinanganak,” ang sabi ni Rosemary Dela Cruz mula sa Brgy. Bacnono, na naging benepisyaryo ng libreng check-up sa Rural Health Unit at supplementary feeding program for nutritionally at-risk pregnant women ng Municipal Nutrition Action Office.
“Dahil sa kanila po dito, napa-operahan ko po ang aking anak, tapos hanggang po noong na-detect ‘yung sakit ng anak ko sa puso, kami po ay inalagaan po, inaksyunan po agad ng Mayor’s Action Center, hanggang sa ngayon po nagpapacheck-up po yong anak ko, hanggang sa natapos ang operation po niya kami po ay inaalagaan pa din po,” ayon naman kay Eva Capiro ng Brgy. Carungay na natulungan sa pagpapa-opera ng kanyang anak na mayroong sakit sa puso.
Kwento naman ni Celia A. Velasco, isa sa mga benepisyaryo ng Goat Dairy Project sa Brgy. Mangayao, “Noon po wala po kaming [masyadong kita], naghihintay lang po kami kung mayroong trabaho, unlike po ngayon, ‘pag naka-duty po kami, meron po kaming inaasahan na sweldo sa pang-araw-araw naming pangangailangan… Malaki ang tulong po para sa amin sa pang-araw-araw na panggastos para sa aming mga anak po na pumapasok.”
Si Jasmine Dominic A. Tagum naman ay residente ng Brgy. Sanlibo na nabigyan ng trabaho sa tulong ng Job Fair na inorganisa ng Municipal Employment Services Office. Ayon sa kanya, “Bilang hindi po ako naka-graduate ng pag-aaral, malaking tulong na rin po sa akin itong Job Fair na proyekto ni Mayora [Quiambao]. Sa Job Fair po na ito, hindi na po ako magiging tambay sa bahay, magkakaroon na po ng gaan iyong buhay ko, magkakaroon na po ako ng trabaho, makakatulong na ako sa magulang ko. Sa hirap po ng buhay ngayon, kailangan po talaga ng trabaho. Maraming salamat po kay Mayora sa mga ganitong klaseng proyekto na makakatulong po sa aming mga walang trabaho.”
Ang mag-asawang Norelyn Camacho at Henry Camacho ay lubos rin ang pasasalamat matapos silang makatanggap ng tulong para sa pag-ayos ng kanilang bahay matapos itong masira ng nagdaang bagyo. Mensahe nila, “Malaking tulong po sa amin ang bahay na ito kasi po noon, ang bahay namin ay napakaliit po na ‘pag bumagyo, bumaha, at umulan, nababasa po kami. Ngayon po ay nasisilong po ang aming pamilya dahil sa bahay na ito. Malaking tulong po na naibigay po sa amin ang bahay na ito.”
Bukod pa sa mga programang inimplementa ng lokal na pamahalaan para sa mga Bayambangueño, iniulat rin ni Mayor Quiambao ang mga aabangan pang proyekto sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan 2.0 sa susunod na taon. Ayon sa alkalde, pormal nang bubuksan sa January 2024 ang itinatayong Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center – The Medical City-Managed Hospital na tutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng bayan, sisimulan na ang 67-hectare New Township Development Project sa groundbreaking ceremony ng Bayambang Promenade, at opisyal na ring sisimulan ang konstruksyon ng Amusement Park na magpapalakas ng turismo at magbibigay ng oportunidad sa mas maraming trabaho.
Panghihikayat ni Mayor Quiambao sa mga Bayambangueño, “Sabay-sabay nating ipagmalaki ang kwento ng ating bayan: ang kwento ng mga Bayambangueño na naghirap, ngunit hindi sumuko, ang kwento ng pamilya na abot-kamay na ang isang maginhawang buhay at natatanaw na ang magandang kinabukasan ng bawat isa.”