Noong August 18, 2023, bumisita ang SSS sa Bayambang para ilunsad ang kanilang kampanyang “Run After Contribution Evaders (RACE).” Ang kampanya ay naglalayong masiguro na ang SSS contributions ng lahat ng empleyado ay regular na naireremit ng mga pribadong kumpanya sa ahensya.
Ayon sa SSS, bagama’t maganda ang record ng Bayambang dahil karamihan ng mga business owners at employers sa bayan ay compliant pagdating sa pagbabayad ng kontribusyon sa SSS ng kanilang mga tauhan, may ilan pa ring delinquent na pribadong kumpanya na kanilang binisita. Ang mga ito ay binigyan ng 15 araw na palugit upang makipag-ugnayan sa ahensya at maipaliwanag ang dahilan ng hindi pagbabayad ng kontribusyon at nang sa gayon ay hindi makatanggap ng legal action mula sa SSS.
Nakatakda muling bumisita ang buong pwersa ng SSS sa August 25 sa Magic Mall upang makapagbigay ng kanilang serbisyo sa lahat ng empleyado mapa-pribado man o publiko kabilang na ang mga tsuper, tindero, at iba pa.