Sa kaniyang State of the Children Address (SOCA) noong November 24, 2025, muling binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao na ang kabataan ay hindi lamang mga tagapagtanggap ng serbisyo ng pamahalaan, kundi aktibong katuwang sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang.
“Beyond beneficiaries, children are partners in progress. They are part of the solution at higit sa lahat, ang mga bata ngayon ang magiging tagapagmana ng isang bayan na nagtagumpay sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan,” ani MNJQ sa sambayanang dumalo sa Balon Bayambang Events Center.
Binanggit ni Mayor Niña ang pangangailangang hubugin ang mga bata hindi lamang para maging ligtas, kundi upang maging bahagi rin ng pagtugon sa mga suliranin ng komunidad.
Ayon sa kaniya, dapat silang mahikayat na kilalanin ang kanilang kakayahang mamuno nang may matatag na isipan at may pusong may malasakit.
Hinikayat din niya ang komunidad na isabuhay ang tema ng Buwan ng mga Bata: “Online Sexual Abuse and Exploitation of Children at Child Sexual Abuse and Exploitation Materials, Wakasan; Kaligtasan at Karapatan ng Bawat Batang Mag-aaral, Ipaglaban!”
Ayon sa alkalde, sa panahon ngayon kung saan mabilis ang pag-usbong ng teknolohiya, mas nagiging lantad ang mga bata sa digital risks at iba’t ibang uri ng pagsasamantala, kung kaya’t mahalaga ang mas mahigpit na gabay, proteksyon, at suporta mula sa pamilya, paaralan, at pamahalaan.
Bahagi rin ng programa ang presentasyon ng Local State of the Children Report 2025, kung saan inilahad ang mga programa, inisyatiba, at planong nakatuon sa kapakanan, kaligtasan, at kabuuang pag-unlad ng mga kabataang Bayambangueño. (WMC/RSO; AG, MLO)






















