Sa pangunguna ng Rural Health Unit (RHU) ng Bayambang, at pakikipagtulungan sa Bankers Institute of the Philippines, Inc. (BAIPHIL), SM Foundation, at Undying Wishes of Pinoys, Inc. (UWPI), isang medical mission ang ginanap ngayong araw, Hunyo 26, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, bilang bahagi ng patuloy na layunin ng administrasyon na mailapit ang libre ngunit de-kalidad at komprehensibong serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.
Pinangunahan ang programa ni Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng preventive healthcare at ng agarang paglapit ng mga serbisyong medikal sa mga komunidad.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng suporta si Dr. Agnes Brillante ng BAIPHIL sa mga programang pangkalusugan ng bayan at nagpasalamat sa mga katuwang na ahensya at medical volunteers na naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad.
Samantala, inihatid ni Dr. Rafael L. Saygo, bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang mensahe ng alkalde kung saan muling tiniyak ng lokal na pamahalaan ang patuloy nitong pagsisikap na gawing mas abot-kamay ang mga serbisyong pangkalusugan para sa bawat Bayambangueño.
Sa nasabing medical mission, 735 residente ang nakinabang sa iba’t ibang libreng serbisyong medikal. May 130 namang kliyente ang nagawan ng account sa PhilHealth YAKAP program.
Narito ang bilang ng mga naging benepisyaryo kada serbisyo, ayon sa ulat ni Dr. Vallo:
ultrasound: 18
X-ray: 50
circumcision: 12
ECG: 25
dental: 177
optical: 211
medical consultation: 384
laboratory: 109
Sa kabuuan, ang mga libreng serbisyong ipinagkaloob sa mga mamamayan ay nagkakahalaga ng P594,760.00, kaya’t malaking katipiran ito sa kanila.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng taunang programa ng BAIPHIL at SM Foundation sa Bayambang na naglalayong maghatid ng libreng serbisyong medikal at mapalawak ang akses ng bawat Bayambangueño sa de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan. (RGDS/RSO; AG, JMB)






