Isinagawa ang isang mandatory training at budget preparation seminar para sa mga Sangguniang Kabataan (SK) officials upang ipaalam sa kanila ang tamang pamamahala at wastong paggamit ng pondo para sa mas epektibong paglilingkod sa kabataan.
Ang training ay inorganisa ng Municipal Budget Office, LYDO at DILG, ngayong araw, ika-26 ng Agosto, sa Balon Bayambang Events Center.
Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, naroon upang bumati sa mga dumalo si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan.
Naging resource persons sina National Youth Commission PSO 1 Dave Homer F. Ariola, MLGOO Editha Soriano, Budget Officer Marie Christine B. Terrado, at dating Municipal Accountant at Internal Audit Service head Erlinda S. Alvarez.
Kanilang tinalakay ang mga paksang “Updates on Leadership and Governance,” “Legal Basis,” “Budgeting,” at “Financial Management.”
Matapos ang serye ng diskusyon, isinagawa ang isang open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at humingi ng karagdagang gabay mula sa mga tagapagsalita.
Sa pamamagitan ng seminar na ito, muling pinagtibay ang layunin ng pamahalaan na hubugin ang mga kabataang lider upang magkaroon ng sapat na kaalaman, disiplina, at kakayahan sa pamumuno at pamamahala ng pondo ng kanilang barangay. (KB/RSO; WMC)













