SK Himigsikan 2025: Pagtampok sa Talento at Pagkakaisa ng Kabataan sa Pamamagitan ng Musika

Isang gabing puno ng saya ang inihandog ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pamamagitan ng “SK Himigsikan 2025” nitong Agosto 22 sa Pavilion 1 ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Dito ay binigyang boses ang mga kabataan, gamit ang musika bilang instrumento ng pagpapahayag ng damdamin, pagpapalaganap ng kultura, at pagbubuklod ng komunidad.

Sa temang “Musika: Tulay sa Pagkakaisa at Pag-asa,” nagtipon ang mga kabataang mang-aawit at musikero at nagpakita ng kanilang galing sa pagtugtog at pag-awit. Hindi ito basta patimpalak kundi isang pagpupugay sa husay at pagiging malikhain ng mga kabataang Pilipino.

Ang bawat himig at titik ay nag-ugnay sa mga kalahok at manonood at nagpalakas sa diwa ng bayanihan at pagmamahal sa sariling kultura.

Sa tagisan ng mga rakista o “Battle of the Bands,” itinanghal na winner ang Arkanghel Band, ang Seniorita bilang 1st runner-up, ang Blacksalt 2nd runner-up, at ang Vien 3rd runner-up.

Sa “Your Face Sounds Familiar,” itinanghal na kampeon si Butch Cayabyab, Red Agliam bilang 1st runner-up, at Joe Ryan Datuin 2nd runner-up. Nag-uwi naman ng consolation prize sina Jasmin Magalong at Gianna Junio.

Ang programang ito ay pinangunahan nina SK Federation President John Roy S. Jalac at Local Youth Development Officer Ray Hope Bancolita na siyang mga may inisyatibo upang hikayatin ang kabataan na maging aktibo sa pagbuo ng positibong pagbabago.

Naging panauhing pandangal sina councilor Jocelyn Espejo, Councilor Zerex T. Terrado, at Councilor Rhyan de Vera, at nagsilbing chairman ng board of judges ang pianist ng sikat na bandang Nobita na si Richmond Bancolita na tubong Bayambang.

Sa Fellowship Night, matapos ang isang seremonya upang kilalanin ang lahat ng nagwagi sa lahat ng patimpalak na isinagawa ng buong linggo, masayang nag-bonding magdamag ang lahat ng mga youth leader ng Bayambang.

Naging special guest ang DJ na si Drey Cua na nagpasiklab sa venue na biglaang naging dance floor.

Gamit ang musika, naipakita sa aktibidad na ang bawat tinig ay may kapangyarihang magbigay-inspirasyon at magdala ng pag-asa.

Sa huli, nagningning ang SK Himigsikan 2025 at naging isang gabing di malilimutan. (Mark Andrei De Luna, VMF/RSO; AG)