Muling binigyang-halaga ng bayan ng Bayambang ang kasaysayan sa paggunita ng SingKapital 2025 nitong Nobyembre 24, sa harap ng bantayog ni Pangulong Emilio Aguinaldo, bilang muling pag-alaala sa deklarasyon sa bayan ng Bayambang bilang panglimang kabisera ng Pilipinas noong 1899.
Partikular na rito ang makasaysayang pagdating ni Heneral Aguinaldo at ng kanyang gabinete noong Nobyembre 12, 1899, sa gitna ng digmaang Pilipino-Amerikano.
Ang programa ay sinimulan sa isang wreath-laying ceremony na pinangunahan ng kapulisan ng Bayambang bilang simbolo ng pagpupugay sa ambag ni Aguinaldo sa paghubog ng pambansang identidad.
Matapos ang seremonya, pormal na binuksan ang programa na dinaluhan ng mga lokal na opisyal, historyador, at mamamayan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang hamon ng kasaysayan sa kasalukuyang henerasyon: “Minsan sa kasaysayan, ang Bayambang ang nagsilbing tanglaw at pag-asa ng buong bansa. Ngayon, muli nating ibalik ang dakilang diwang ito.” Giit niya na ang pag-alala sa nakaraan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw kundi pagpapanday ng mas matibay na kinabukasan.
Nagbahagi naman si Prof. Junuario M. Cuchapin, isang lokal na historyador, ng masusing paglalarawan kung paano naging pansamantalang kabisera ang Bayambang noong 1899. Ayon sa kanya, dito nagplano si Aguinaldo ng mga istratehiya laban sa mga Amerikano, at sa maikling panahon, naging sentro ng pulitika at pagkakaisa ang bayan. “Ang Bayambang ay hindi lamang lugar ng labanan kundi simbolo ng tibay ng loob ng mga Pilipino,” pagdidiin niya.
Binanggit din sa programa ang patuloy na pagkilala sa Bayambang bilang “bayang may pag-asa, dignidad, at pagkakaisa,” mga prinsipyong nananatiling gabay sa pag-unlad nito.
Isang highlight ng okasyon ang paggawad ng Singsing ng Serbisyo sa limang konsehal na nagtapos sa kanilang siyam na taong termino bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon: sina Konsehal Mylvin Junio, Benjie de Vera, Philip Dumalanta, Amory Junio, at Martin Terrado II.
Ayon kay dating Vice-Mayor Raul Sabangan, ang seremonya ay “pagpupugay sa mga pinunong nag-alay ng panahon para sa ikauunlad ng Bayambang.” (Mark Andrei de Luna/VMF/RSO; AG)










