Serbisyong Sibil, Inilapit sa Mamamayan: “Your Name, Your Right” Program, Umarangkada sa Brgy. Bical Norte

Dinagsa ng mga opisyal ng barangay, magulang, kabataan, at senior citizens ang isinagawang “Your Name, Your Right” program noong Marso 18, 2026 sa Brgy. Bical Norte—patunay ng mataas na interes ng publiko sa mga serbisyong sibil at kaalamang legal. Pinangunahan ni Punong Barangay Leonida Abalos ang pambungad na pagbati, habang nagbahagi naman si Local Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ng mahahalagang impormasyon hinggil sa mga batas sa civil registration at pinakabagong updates mula sa Philippine Statistics Authority.

Hindi lamang kaalaman ang hatid ng programa kundi pati aktuwal na serbisyo na direktang tumugon sa pangangailangan ng mamamayan. Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ang late registration ng birth, marriage, at death; Birth Registration Assistance Project (BRAP); correction of clerical errors; Admission/Acknowledgment of Paternity; paggamit ng apelyido ng ama para sa mga batang ipinanganak sa labas ng kasal; legitimation; supplemental report; at libreng Kasalang Bayan.

Samantala, 56 na indibidwal ang naisabay sa data capturing para sa upgraded Community Service Card—isang inisyatiba na magpapadali sa pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng ugnayan ng LGU at GCash.

Ipinakita ng matagumpay na aktibidad na patuloy ang paghahatid ng serbisyong sibil na direktang lumalapit sa komunidad—mabilis, maaasahan, at nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayan. (LCRO; LCRO)