Muling pinatunayan ng Lokal na Tanggapan ng Civil Registry ng Bayambang ang kanilang adhikain na ilapit ang mahahalagang serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng programang “Your Name, Your Right” na matagumpay na isinagawa noong Hunyo 4, 2026 sa Barangay Ambayat 1st.
Naging sentro ng serbisyong pampubliko ang barangay nang dumalo ang mga residente mula sa iba’t ibang sector — mga magulang, kabataan, senior citizens, at mga opisyal ng barangay — upang samantalahin ang mga libreng serbisyong may kaugnayan sa civil registration.
Ang malaking bilang ng mga dumalo ay patunay ng lumalawak na kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagkakaroon ng tama at legal na dokumentasyon.
Pinangunahan ni Punong Barangay Herminio C. Manangan ang pagbubukas ng programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na rekord sibil bilang susi sa pagkuha ng mga serbisyong pampamahalaan at iba pang oportunidad.
Samantala, nagbigay ng komprehensibong talakayan si Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. hinggil sa mga batas, proseso, at mahahalagang impormasyon ukol sa civil registration.
Tinalakay rin niya ang mga pinakabagong patakaran at abiso mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang higit na maunawaan ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan at responsibilidad sa usaping legal na pagkakakilanlan.
Bukod sa information campaign, naghatid din ang LCRO ng iba’t ibang serbisyong direktang nakatulong sa mga residente, kabilang ang:
• Late Registration ng Kapanganakan, Kasal, at Kamatayan
• Birth Registration Assistance Project (BRAP) Assistance
• Correction of Entries
• Acknowledgment o Pagkilala ng Ama sa Anak
• Paggamit ng Apelyido ng Ama ng Non-Marital Child
• Legitimation
• Supplemental Reports
Bilang karagdagang serbisyo, umabot sa 25 residente ang sumailalim sa data capture para sa upgraded Community Service Card. Sa pamamagitan ng programang ito at ng pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan sa GCash, mas mapapadali ang paghahatid ng tulong pinansyal at iba pang benepisyo sa mga kwalipikadong mamamayan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang isinagawang aktibidad sa Brgy. Ambayat 1st, na muling nagpamalas ng dedikasyon ng LCRO at ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pagbibigay ng serbisyong mabilis, episyente, at madaling maabot ng bawat Bayambangueño. Sapagkat kapag ang serbisyo ay inilalapit sa komunidad, mas maraming buhay ang natutulungan at mas maraming mamamayan ang nabibigyan ng pagkakataong maitama at mapangalagaan ang kanilang legal na pagkakakilanlan. (LCRO; LCRO)







