Sa layuning mailapit ang serbisyong sibil sa bawat mamamayan, matagumpay na isinagawa ang “Your Name, Your Right” Program sa Brgy. Tococ West noong Mayo 14, 2026. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng barangay, mga magulang, kabataan, at senior citizens na nagnanais makakuha ng kaalaman at agarang serbisyo kaugnay ng civil registration.
Pinangunahan ni Barangay Kagawad Leonila Soriano, bilang kinatawan ni Punong Barangay Elpidio U. Doloque, ang pagbubukas ng programa. Samantala, ibinahagi naman ni Local Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga batas at proseso ng civil registration, kabilang ang mga pinakabagong update mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Bukod sa information drive, naghatid din ang programa ng iba’t ibang serbisyong direktang tumugon sa pangangailangan ng komunidad. Kabilang dito ang late registration ng kapanganakan, kasal, at kamatayan; Birth Registration Assistance Project (BRAP); pagwawasto ng clerical errors; Admission at Acknowledgment of Paternity; paggamit ng apelyido ng ama para sa mga batang ipinanganak sa labas ng kasal; legitimation; supplemental report; at iba pang serbisyong sibil.
Naisabay rin sa aktibidad ang data capturing para sa upgraded Community Service Card kung saan 24 na indibidwal ang nakapagparehistro. Layunin nitong mapadali ang pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng ugnayan ng LGU at GCash.
Muling pinatunayan ng matagumpay na programa ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lokal ng Bayambang na ilapit ang mabilis, maaasahan, at makataong serbisyong sibil sa bawat mamamayan. (LCRO; LCRO)





