Serbisyong Sibil Caravan sa Brgy. Sapang, Dinagsa!

Maraming residente ang dumalo sa programang “Your Name, Your Right” nitong Pebrero 18, 2026 sa Brgy. Sapang matapos puntahan ng mga barangay opisyal, magulang, kabataan, at senior citizen ang libreng serbisyong handog ng LCRO para sa komunidad. Ipinakita ng turnout na todo-suporta ang publiko sa mga programang nagbibigay linaw sa usaping legal at dokumento.

Pinangunahan ang pagbubukas ni Punong Barangay Manuel Piapa Cruz sa pamamagitan ng kinatawan niyang si Barangay Kagawad Zaldy Dalope, habang naghatid ng mensahe si Ms. Gay Poserio bilang kinatawan ng Sapang Elementary School. Samantala, detalyadong ipinaliwanag ni Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ang mahahalagang batas sa rehistro at pinakabagong abiso mula sa Philippine Statistics Authority.

Hindi lang puro talakayan ang nangyari—rekta serbisyo agad sa mga residente. Kabilang sa naihatid ang mobile late registration ng kapanganakan, kasal at kamatayan, Birth Registration Assistance Project (BRAP), correction of entries, pagkilala ng ama sa anak, paggamit ng apelyido ng ama, legitimation, supplemental reports, at rehistrasyon sa libreng Kasalang Bayan.

Dagdag tulong pa rito, 29 katao ang agad na naisabay sa data capture para sa upgraded Community Service Card katuwang ang ICTO, na magpapadali sa pagkuha ng tulong pinansyal sa partnership ng LGU at GCash.

Sa huli, malinaw ang mensahe ng aktibidad: kapag serbisyo ang lumalapit sa tao, mas maraming buhay ang natutulungan—mabilis, maayos, at walang iwanan. (LCRO; LCRO)