Serbisyong Sibil Caravan, Dinala sa San Vicente

Nagmistulang sentro ng serbisyo ang Brgy. San Vicente nitong Pebrero 19, 2026 matapos dagsain ng mga residente ang programang “Your Name, Your Right.”

Dumalo ang mga barangay opisyal, magulang, kabataan, at senior citizen upang samantalahin ang libreng serbisyong handog—patunay na sabik ang komunidad sa mga programang nagbibigay-linaw sa usaping legal at mahahalagang dokumento.

Pinangunahan ang pagbubukas ni Punong Barangay Crisostomo M. Bato sa pamamagitan ng kinatawan niyang si Barangay Secretary Arceli Bumadilla. Malinaw at detalyadong ipinaliwanag ni Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ang mahahalagang batas sa civil registry at mga pinakabagong abiso mula sa Philippine Statistics Authority.

Hindi lamang impormasyon ang hatid ng aktibidad dahil agad ding naipagkaloob sa mga dumalo ang iba’t ibang serbisyo tulad ng mobile late registration ng birth, marriage at death, Birth Registration Assistance Project (BRAP), correction of entries, pagkilala ng ama sa anak, paggamit ng apelyido ng ama, legitimation, supplemental reports, at rehistrasyon para sa libreng Kasalang Bayan.

Bukod dito, pitong residente ang naisabay sa data capture para sa upgraded Community Service Card sa pakikipagtulungan ng ICTO — isang inisyatibang magpapabilis at magpapadali sa pagtanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng ugnayan ng LGU at GCash.

Sa kabuuan, pinatunayan ng aktibidad na mas epektibo ang serbisyong inilalapit sa komunidad — mas marami ang naaabot, mas napapadali ang proseso, at mas ramdam ng mamamayan ang tunay na malasakit ng pamahalaan. (JM; LCRO)