Sa loob ng wala pang isang dekada, muling pinatunayan ng Quiambao-Sabangan administration ang patuloy nitong pamumuhunan sa edukasyon sa pamamagitan ng pagpapanatili at mas ibayong pagpapalawak ng serbisyong pang-edukasyon sa bayan.
Isa sa mga pinakahuling hakbang nito ang ceremonial signing ng Deed of Usufruct para sa Bayambang Central School (BCS) Campus sa pagitan ng LGU-Bayambang at Department of Education (DepEd) nitong June 15, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.
Sa ilalim ng kasunduan, mananatiling pag-aari ng LGU-Bayambang ang lupang kinatatayuan ng paaralan habang ipinagkakaloob sa DepEd ang karapatang gamitin at pangasiwaan ang nasabing campus para sa mga layuning pang-edukasyon.
Ang paglagda sa Deed of Usufruct ay isa pang hakbang ng administrasyon upang matiyak na mapananatili at mapapakinabangan ng mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral ang isa sa mga pangunahing institusyong pang-edukasyon sa bayan.
Sa nakalipas na mga taon, patuloy na namuhunan ang pamahalaang bayan sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapalawak ng mga pasilidad sa pag-aaral gaya na lamang ng pagtatayo ng Don Teofilo C. Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue.
Dahil dito, hindi lamang napanatili ang mga umiiral na paaralan sa bayan, kundi nadagdagan pa ang mga imprastrakturang magsisilbi sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng mga pinakahuling development tulad ng mga ito, higit pang napagtibay ang pangmatagalang ugnayan ng LGU-Bayambang at DepEd sa pagsusulong ng quality, accessible, at continuous education para sa bawat Bayambangueño. (RGDS/RSO; RobC, JLT)







